SIGURADONG maraming sanhi ang karalitaan ng tao. Iba’t ibang ekonomista ang tutukoy sa iba’t ibang dahilan ng problemang ito. Minsan, nakapulong ko ang grupo ng magsasaka. Tinanong ko sila kung ano sa palagay nila ang dahilan ng karalitaan. Mahusay ang kanilang pagsusuri. May nagsabi sa kanilang ang karalitaan ay bunga ng maling paniwala. May naniniwala kasi na kaya raw sila mahirap ay dahil ‘guhit ng palad’ ang maghirap sila. May nagsabi na tadhana nila ang magbigay ng serbisyo sa mga mayayaman.
Ang tingin ng ilan, kapalaran nilang hindi mababali ang maghirap at wala silang magagawa para makaalpas sa kalagayang ito. Nagbunga ito ng katamaran sa ilan. ‘Pag namatay na ang pag-asa ng isang taong makaalpas sa hirap kahit ano ang kayod niya, bakit nga naman hindi siya tatamarin? Siyempre, ang katamaran ay nagbubunga ng mas lalong kahirapan. Karugtong ng katamaran ay ang kakulangan ng diskarte sa buhay. Hindi na sila naghahanap ng iba pang paraan para makaalpas. Ang katamaran ay hindi lang sa pagtatrabaho, mayroon ding katamarang ipinamamalas sa pag-aaral. Tuloy, kulang sila sa edukasyon, hindi makabago ang kanilang paraan ng pagsasaka at pagpupursige ng hanapbuhay. Wala nang pangarap sa buhay ang ilan. Kontento na sila sa mayroon sila.
Dahil sa kakulangan ng diskarte, hindi sila nagkaroon ng sariling lupa; kontento na silang sakahin ang lupang iba at magbayad ng upa. Kung mayroon mang lupa na ibinigay sa kanila ang Batas Agrarian Reform, ibinebenta ng ilan ito para magkapera na agad. Dahil wala silang pinag-aralan, madali silang mauto ng mga taong mabulalas ang dila. Madaling mawala ang pera sa kanila dahil nalilinlang sila ng mga taong nag-aalok ng mga kuwestiyonableng paraan ng pamumuhunan ng pera. Kung wala kang pinag-aralan, hindi ka makasusumpong ng matatag na trabaho na magbibigay sa iyo ng sapat na kita. ‘Pag wala kang edukasyon, wala ka ring kaalamang pinansiyal. Hindi mo alam kung paanong mag-ipon at magpalago nito. Kapag nakatanggap ng pera, nagwa-one-day millionaire ang ilan. Bawat kita, gasta kaagad. ‘Pag walang pangarap sa buhay, aasa na lang ang marami sa tulong at biyaya ng gobyerno at kapwa-tao. Ito ang pagsusuri ng mga magsasakang nakausap ko kung bakit may mahirap na tao.
Marahil totoo ang lahat ng ito. Kung pag-aaralan ang Salita ng Diyos, sinasabi nito na ang pinakaugat ng karalitaan sa mundo ay kasalanan. Ang kasalanan ay pagsuway sa kalooban ng Diyos. Ipinapahayag ng Bibliya na dahil sa kasalanan, nahiwalay ang tao sa Diyos at hindi siya nakaabot sa kaluwalhatian ng Maykapal. Ang kasalanan ay nagiging bara sa relasyon ng tao sa lumikha sa Kanya. Isa sa maraming masamang bunga ng kasalanan ay ang karalitaan. Ang sabi ng Bibliya, “Ang masasama ninyong gawa ang dahilan ng pagkawalay ninyo sa Diyos. Nagkasala kayo kaya hindi ninyo siya makita, at hindi niya kayo marinig.” (Isaias 59:2) Ang Diyos ay banal; hindi Siya makatitingin sa kasamaan. Sinasabi rin na dahil sa kasalanan, ang lupang binubungkal ay nagbubunga ng tinik. Naging mahirap ang gawain. ‘Pag hindi sumunod ang tao sa mabuting kalooban ng Diyos, nagkakaroon ng sumpa sa kanyang buhay; at isa sa mga sumpa ay ang karalitaan.
Sabi rin ng Bibliya na ang taong makasalanan ay nagiging kasapi sa kaharian ng kadiliman. (Colosas1:13) Nasa ilalim sila ng malupit na kapangyarihan ng kaaway ng Diyos. Inaapi sila. Ang layunin ng kaaway ay magnakaw, pumatay at sumira ng buhay. Kahirapan at karalitaan ay ilan sa mga paraan niya upang sirain ang buhay ng tao. Nagtuturo rin ng mga pamahiin at maling paniniwala ang kaaway. Pinagdidilim niya ang pag-iisip ng ilang tao para mahulog sila sa kawalan ng pag-asa.
Ang orihinal na plano ng Diyos para sa sangkatauhan ay magtamasa ng buhay na may kasaganaan. Ibig ng Diyos na ibahagi sa kanila ang Kanyang karunungan. Gusto Niyang magbigay ng liwanag ng isip. Ibig Niyang pagpalain ang tao. Ang sabi ni Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” Si Jesus ang daan para sa kapatawaran ng kasalanan at buhay na masagana. Kung pagsisisihan ng tao ang kanyang kasalanan at tatanggapin si Jesus sa kanyangbuhay, magkakaroon siya ng Buhay na Walang Hanggan. Kung susundin niya ang katuruan ni Jesus, magkakaroon naman siya ang buhay na masagana.
Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sakakapiso-piso, nakaka-isang libo.
Comments are closed.