UGNAYAN NG CHINA AT PILIPINAS LALO PANG LALAKAS

POSITIBO si Chinese Ambassador Huang Xilian na higit pang lalakas at titibay ang pagkakaibigan ng Pilipinas at China sa pamamagitan matibay na pagtutulungan para sa pagtataguyod ng kapayapaan at katatagan sa rehiyon.

Ginawa ni Xilian ang pahayag matapos ang kanyang courtesy call kay Philippine Coast Guard (PCG) Commandant Admiral Artemio Manalo Abu kung saan nagpapasalamat ito sa mainit na pagtanggap sa kanya.

Ayon sa ambassador, nagkaroon din sila ng constructive discussion sa pagpapalakas ng partnership at cooperation sa pagitan ng PCG.

Paliwanag ng ambassador na ang pagpapalitan at pagkakaibigan ng Pilipinas at China ay lalong magpapatibay sa relasyon ng dalawang bansa.

Magugunitang naghain ng diplomatic protest ang Pilipinas kaugnay sa ipinatupad na unilateral seasonal fishing ban na idineklara ng China na sumasaklaw sa bahagi ng West Philippine Sea.

Agad namang nagpahayag ng suporta ang US sa Pilipinas sa pagbatikos nito sa unilateral seasonal fishing ban na idineklara ng China sa bahagi ng West Philippine Sea.

Sa isang statement sinabi ni US State Department spokesperson Ned Price na ang unilateral fishing moratorium ng China sa disputed territorial water ay salungat sa 2016 Arbitral Tribunal ruling at international law na nakasaad sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Nanawagan din ito sa China na sumunod sa obligasyon nito sa ilalim ng international law.

Ipinunto ng US official ang naging pahayag ng Pilipinas hinggil sa inihaing diplomatic protest ng Department of Foreign Affairs para sa unilateral imposition ng tatlo’t kalahating buwan na fishing ban saklaw nito ang mga lugar sa may West Philippine Sea kung saan may kalayaan, sovereign rights at hurisdiksyon ang Pilipinas.

Nauna rito, pinatawag ng Pilipinas noong Martes ang Chinese diplomat kaugnay sa anunsiyo na unilateral fishing ban at umano’y harrassment ng marine research vessel ng isang Chinese coast guard ship. VERLIN RUIZ