KAPAG naipatupad na ang Universal Health Care (UHC) bill, malaki na ang pag-asang gumaling ang mamamayan mula sa mga malalang karamdaman.
Ito ang siniguro ni Senador Sonny Angara, sakaling maisabatas ang naturang panukala, hindi lamang magkakaroon ng libreng check-up kundi magkakaloob din ng marami pang serbisyong pangkalusugan.
Ani Angara, pangunahing layunin ng panukala na mapanatiling malusog ang bawat pamilyang Filipino at matulungan silang agapan ang anumang karamdaman bago pa lumala ang mga ito.
“Magkakaroon po tayo ng libreng check-up at gamot para hindi umabot sa punto na mayroon tayong iniinom na maintenance medicine. Masama po ‘yun dahil ibig sabihin medyo malala na po ang sakit natin,” pahayag ng senador.
Sa ngayon, pirma na lang ng Pangulong Duterte ang hinihintay, at tuluyan nang magiging batas ang UHC matapos itong lumusot sa dalawang san-gay ng kongreso.
Bilang isa sa mga awtor ng UHC bill, itinulak ni Angara ang pagpapatupad ng libreng check-up, libreng laboratory tests at gamot.
Naniniwala ang senador na tiyak nang mahihikayat ang mga mamamayan na nakatira sa malalayong lugar na magpatingin sa mga doktor dahil libre na ang pagpapasuri.
Aniya, nakaugalian ng mga Filipinong naninirahan sa malalayong probinsiya na ipinagpapaliban ang pagpapa-check up na nagiging dahilan ng pagkamatay nang hindi man lamang nasisilip ng mga manggagamot.
“Ayon sa datos ng Department of Health, 60 percent ng ating kababayan ay hindi nakakapagpakonsulta sa doktor sapagkat masyadong mahal. Takot sila sa reseta ng doktor, takot sila sa mga sasabihin na kailangang bayaran sa botika. Sa maiksing salita, takot sila sa gastos,” giit ni Angara.
Sa ilalim pa rin ng nasabing panukala, lahat ng Filipino ay awtomatiko nang sakop ng National Health Insurance Program at may karapatang mabigyan ng mga serbisyo tulad ng promotive, curative, rehabilitative at palliative health services. VICKY CERVALES
Comments are closed.