UK COVID-19 VARIANT SA BONTOC NAIHAWA NA

MAY nagaganap na local transmission ng mas nakakahawang UK variant ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Bontoc, Mountain Province.

Ito ang kinumpirma ng Department of Health (DOH) kasunod na rin ng pagkatukoy ng 12 kaso ng naturang sakit doon.

“The Department of Health confirms local transmission in Bontoc of the B117 variant of SARS-CoV-2 as identified through genomic sequencing,” anang DOH sa isang kalatas na inilabas nitong Lunes ng gabi.

Sinabi ng DOH na sa kasalukuyan, lahat ng natukoy na kaso na may UK variant ay maaaring iugnay sa mga kaso na direktang mula sa labas ng bansa o importasyon o mula sa ispesipikong kaso o exposure na maaari pang matukoy o local transmission.

Gayunman, wala umanong malinaw na ebidensiya na nakikita ang DOH na may community transmission na ng COVID-19 mutation sa Bontoc.

Ayon sa World Health Organization (WHO), masasabing mayroong community transmission ng virus kung may malaking bilang ng mga kaso, nagkakaroon ng case clusters sa multiple areas, at hindi na matukoy kung saan nakuha ang sakit.

Matatandaang una nang iniulat ng DOH na may 12 pasyente ng UK COVID-19 variant sa Bontoc.

Pito sa mga ito ang lalaki at lima ang babae habang tatlo ang bata, na nagkaka-edad ng 5, 6, at 10 taong gulang.

Nasa 11 naman ang mula sa Barangay Samoki, na ang case clustering ay unang iniulat na mula sa isang returning overseas Filipino (ROF) na mula sa United Kingdom.

Bumiyahe ito sa Bontoc sa pamamagitan ng isang pribadong sasakyan, kasama ang kanyang asawa matapos na lumitaw sa pagsusuri na negatibo siya sa virus pagdating sa Filipinas.

Kalaunan ay nakaranas ng “abdominal symptoms” ang pasyente kaya’t sumailalim muli sa swab test at dito na nakumpirmang positibo siya sa COVID-19.

Paglilinaw naman ng DOH, nakumpirma nila sa isinagawang genome sequencing na negatibo ang pasyente sa B117 variant.

Kaagad namang nagsagawa ng contact tracing ang mga health authorities at natukoy ang 46 COVID-19 positive close contacts na may kaugnayan sa biyahero mula sa UK.

Sa naturang bilang, 12 ang positibo sa B117 variant, anim ang negatibo sa variant, at ang 28 naman ay sumasailalim pa sa genome sequencing.

“While we have identified linkages of cases to the traveler from the UK, said traveler was negative for the B117 variant and his wife was negative on PCR test,” anang DOH.

“Thus, the Regional Epidemiology and Surveillance Unit and local government unit are currently backward tracing exposures and travel histories of cases to identify other possible source/s of infection,” dagdag pa nito.

Kaugnay nito, nilinaw ng DOH sa publiko na bagamat mas nakakahawa ang bagong variant ng COVID-19 ay wala namang ebidensiya na mas malala o mas nakamamatay ito.

Sa kabuuan, mayroon nang 17 kumpirmadong kaso ng UK variant sa Filipinas. Ana Rosario Hernandez

Comments are closed.