ULAN MULA SA HABAGAT 50% NG ONDOY NOONG 2009

HABAGAT

KALAHATI ng volume ng ulan na ibinuhos ng Bagyong Ondoy noong Setyembre 2009 ang dami ng tubig na ibinuhos ng habagat (southwest monsoon)  noong Sabado.

Ito ang naging pagtaya ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) makaraang na­ging trending sa social media na mistulang Ondoy Part 2 ang naging pag-ulan na ikinalubog ng malaking bahagi ng Quezon City, mandatory evacuation sa Marikina City makaraang tumaas ng lampas 20 meters ang ilog doon, pag-apaw ng Manila Bay na nagtaboy ng basura sa Roxas Boulevard habang naglu­tangan din ang basura

Batay sa monitoring ng scientific research institute na Manila Observatory, naitala ang pinakamataas na accumulated rainfall noong magdamag ng Sabado sa Holy Spirit, Quezon City na 236 millimeters, San Mateo, Rizal na may 220 mm at Nangka, Marikina na may 215 mm, habang nang tumama ang Bagyong Ondoy noong 2009 ay naitala ang 455 mm ng ulan sa loob ng 24 oras.

Tinatayang aabot sa 50,000 katao ang pansamantalang ililikas.

Ayon kay Office of Civil Defense Spokesman Edgar Posadas, “nanatiling naka-red alert ang kanilang punong himpilan hanggang kahapon dahil sa patuloy na pag-ulan ‘naka-red alert ang office of civil defense dito sa central office, naka-red alert din ang NCR  (National Capital Region), naka-blue alert ang Region 1, tapos all the rest are monitoring,” ayon kay Posadas.

Bunsod naman ng matinding pag-ulan, napilitan ang mga awtoridad na magpakawala na ng tubig sa ilang mga dam upang maiwasan ang pagkakaroon ng pag-apaw.

Ayon sa PAGASA, una nang binuksan ang gates ng Ambuklao Dam, Binga Dam at Magat Dam.

Alas-12:00 ng hatinggabi ng buksan ang isang gate na ng Ipo Dam sa Bulacan.

Dahil dito nagbabala ang PAGASA sa mga residente sa mga bayan ng Angat, Bustos, Hagonoy, Norzagaray, Plaridel, Pulilan at San Rafael.

Binuksan na rin kahapon bandang  alas-2:00 ng mada­ling araw ang San Roque Dam sa Pangasinan kaya posibleng makaapekto  ito sa mga bayan ng San Manuel, San Nicolas, Tayug, Asingan, Sta. Maria, Villasis, Alcala, Bautista, Rosales at Bayambang.

Samantala, sa datos na ibinahagi ni Calabarzon PNP Information Officer Chitadel C. Gaoiran, nasa 22,562  ang lumikas sa kanilang tahanan at pinangangambahang lolobo pa ito.          VERLIN RUIZ

Comments are closed.