CAMP CRAME – BINALAAN ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Archie Gamboa si Quezon City Police District Director Col. Ronnie Montejo laban sa talamak na illegal gambling sa lungsod.
Ayon kay Gamboa, bibigyan niya ng ultimatum si Montejo para sugpuin ang jueteng, loteng at bookies sa siyudad.
“Bibigyan natin ng deadline ang district director at kapag hindi niya nasugpo ang illegal gambling sa QC ay hahanap tayo ng ibang kayang gawin ‘yun,” babala ni Gamboa.
Aniya, una na niyang binalaan ang mga opisyal ng pulisya laban sa pagtanggap ng payola mula sa ilegal sa sugal.
May plano na aniya, siya kung paano susugpuin ang korupsiyon sa hanay ng mga pulis pagdating sa illegal gambling, ngunit binigyang-diin niya na kakailanganin ang tulong ng publiko, lalo na ang media, sa pagkalap ng impormasyon laban sa mga tiwaling opisyal ng PNP.
Kamakailan ay siyam na kubrador ng bookies sa Quezon City ang inaresto ng mga operatiba ng PNP Criminal Investigation and Detection Group kung saan napag-alaman na nagbibigay ang mga ito ng payola sa isang opisyal ng PNP sa lungsod. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.