BINIGYAN ng ultimatum ng pinagsanib puwersa ng Pamahalaang Lokal ng Maragondon, Philippine Army, Coast Guard at Philippine National Police (PNP) ang mga ilegal na konstruksyon sa bahagi ng Maragondon fish sanctuary.
Ito ay makaraang magsagawa ng ocular inspection sa Maragondon Fish Sanctuary kung saan tumambad sa mga awtoridad ang mga ilegal na konstrusyon na natagpuang itinayo sa lugar.
Ayon sa Municipal Ordinance No.74 series of 2004 o mas kilalang Ordinansang Nagtatag ng Maragondon Santuwaryo ng Isda (Maragondon Fish Sanctuary) sa Barangay Sta. Mercedes, Maragondon, Cavite.
Sa nasabing ordinansa ipinagbabawal ang mga sumusunod: Pangingisda sa loob ng fish sanctuary; Pagpasok sa loob ng fish sanctuary; Pagpondo ng Bangka sa loob ng fish sanctuary; Pangangambala sa loob ng fish sanctuary; at Pagtatapon ng dumi sa loob ng fish sanctuary.
Bukod pa sa mayroon din multa na hindi bababa sa P20, 000 at 30% nito ay igagawad sa apprehending team na may kasamang ebidensya at dokumentasyon at pagkakakulong ng hindi hihigit sa dalawang taon.
Sa pakikipag-usap ng lokal na pamahalaan sa mga may-ari ng mga cottage sa lugar, binigyan sila ng isang buwan palugid para sila na mismo ang mag-demolish ng kanilang mga ilegal na konstrusyon.
“Sa ating pagpunta dito sa Maragondon Fish Sanctuary, patunay lamang ito na seryoso ang ating pamahalaan upang mapangalagaan ang lugar na ito. Binigyan natin sila ng pagkakataon para kusa nilang alisin at tanggalin ang mga ilegal na konstrusyon nila dito. At nananawagan rin tayo sa mga vlogger na huwag i-promote ang lugar na ito bilang tourist destination,” giit ni Mayor Arca.
Inaasahan ng lokal na pamahalaan na mapayapa nilang lilisanin ang naturang lugar at susundin ang nakasaad na ordinansa. Patuloy namang hinihikayat ang ating mga kababayan na huwag tangkilikin ang anumang aktibidad na ginagawa sa Maragondon Fish Sanctuary.
SID SAMANIEGO