ULYSSES DEATH TOLL NASA 40 NA

Mark Timbal

UMABOT sa 40 ang naitalang death toll bunsod ng hagupit ng Bagyong Ulysses at umakyat naman sa 30 ang bilang ng mga nasaktan.

Ito ang kinumpirma ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) kasabay ng panawagan sa publiko na huwag malito sa mga inilalabas na datos ng mga nasawi.

Paliwanag ni NDRRMC Spokesperson Mark Timbal na ang natatanggap nilang datos ay mula mismo sa mga local DRRMC na sumailalim pa sa validation.

At kahapon ay nasa 40 na ang naitatalang namatay.

Gayundin, nilinaw ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Ano na ang datos na inilabas ng AFP at PNP at maging ng BFP ay subject for validation ng NDRRMC.

Iniulat ni Ano, nasa 14 ang validated fatalities sa bagyong Ulysses habang tatlo ang nawawala.

Sa ulat ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Gilbert Gapay, walong bangkay ang na-recover ng kanyang mga tauhan habang 27 ang naitalang nasawi ng Philippine National Police Operation Center at lima ang naiulat ng Bureau of Fire Protection.

Nasa 40 na indibid­wal naman ang nasugatan o nasaktan  habang 24 ang nawawala.

Ayon kay Gapay nagpapatuloy sa ngayon ang search, rescue and retrieval operations.

Dagdag pa nito, nasa kabuuang 803 SRR teams ang naka-deploy kung saan nasa 14,000 land SRR assets ang naka-mobilized, 11 aircraft at 318 water craft.

Dineploy na rin ng AFP ang pinakabagong amphibious assault vehicle ng Philippine Marines sa Rodriguez, Rizal para tumulong sa rescue and retrieval operations.

Kaugnay nito, isang pamilya ang nagawa pang mailigtas ng mga tauhan ng Philippine Army 2nd Infantry Division kahapon ng umaga mula sa guho na tumabon sa kanilang kabahayan sa Magsaysay, Infanta, lalawigan ng Quezon.

Ayon kay Army 2nd ID Commander Maj gen Greg T. Almerol lima katao pa ang nailigtas mula sa nasabing landslide.

Agad na itinakbo sa pagamutan sa bayan ng Tanay, Rizal ang pamilya Marquez-Paraiso na pawang sugatan nang ma-trap sa gumuhong bato at lupa sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Ulysses. VERLIN RUIZ

Comments are closed.