PRAYORIDAD ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang mga sinalanta ng bagyong Ulysses sa cash-for-work program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“Ang isusunod na batch ng cash-for-work ang mga nasalanta ng bagyong Ulysses,” sabi ni Sotto sa isang post sa social media.
Idinagdag pa na tinatayang 3,500 residente ang magbebenepisyo sa programa kung saan tutulong sila sa paglilinis ng mga lugar na tinamaan ng bagyo.
“Pero bago matanggap sa cash-for-work, kailangan munang sumailalim sa COVID-19 testing. Kombinasyong ng ECLIA at PCR ang nasa protocol ng Health Department para dito,” dagdag ni Sotto.
Tiniyak naman ni Sotto na maaaring ilipat sa iba pang miyembro ng pamilya ang benepisyo, sakaling magpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) ang mapipili.
“Kung positive sa PCR, ay puwedeng ilipat sa kapamilya nilang nag-negative. Ang nag-positive naman ay ipapasok sa centralized quarantine facility kung saan mababantayan at maaalagaan natin sila nang mabuti,” ayon pa kay Sotto.
“Wag po tayong matakot magpa-test! Mas nakakatakot yung wala tayong sintomas pero nakakahawa pala tayo ng iba at maaaring maging mas malala ang sintomas ng mahahawaan. Kung gusto nating malagpasan ang pandemya nang mas mabilis, magtulungan po tayo,”
Batay sa datos ng 19 Nobyembre, nakapagtala ang Pasig City ng 8,606 kumpirmadong kaso COVID-19, kung saan 353 ang nasawi at 8,062 ang gumaling. Elma Morales
Comments are closed.