Mga laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)
2:30 p.m. – PLDT vs Akari
4:30 p.m. – Creamline vs Cignal
HINDI lamang pinainit ng pagpapaliban sa Premier Volleyball League Reinforced Conference semifinals ang paghihintay ng fans, kundi mas pinaigting nito ang matinding labanan ng apat na koponan, na pawang naghahangad ng puwesto sa one-off championship.
Ang pinakaaabangang knockout matches ay magsisimula ngayong alas-2:30 ng hapon sa Mall of Asia Arena, kung saan sisikapin ng top-ranked Akari na mapanatili ang kanilang malinis na marka at lumapit sa pagkumpleto ng Cinderella run sa mid-season conference kontra No. 4 PLDT.
Samantala, makakaharap ng No. 2 Cignal ang third-ranked Creamline sa equally explosive semifinal sa alas-4:30 ng hapon.
Ang semis winners ay aabante sa hindi pangkaraniwang Monday finals sa alas-6 ng gabi sa Araneta Coliseum, habang ang losers ay mag-aagawan sa bronze medal sa alas-4 ng hapon.
Ang mga larong ito ay orihinal na nakatakda noong nakaraang Huwebes subalit iniurong dahil sa hindi inaasahang power outage sa Philsports Arena.
Ang pagpapaliban ay nagbigay sa lower-ranked squads High Speed Hitters at Cool Smashers ng dagdag na panahon upang makapaghanda para sa semifinals.
Gayunman, ang pagbabago ng iskedyul ay maaaring makaapekto sa momentum ng Chargers, na nanalo sa lahat ng kanilang siyam na Reinforced Conference matches.
Sa kabila nito, determinado ang Akari na makopo ang breakthrough championship makaraang umabot sa Final Four sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng koponan.
Minaliit ni American Oly Okaro, ang second-leading scorer sa conference, ang pressure ng kanilang kahanga-hangang nine-game winning streak, kinilala ang kahalagahan ng pagiging focused mula umpisa hanggang katapusan.
Ang PLDT, na nasa kanilang ikatlong PVL semis appearance, ay may solid crew sa likod nina Russian Elena Samoilenko, Majoy Baron, Fiola Ceballos, Kim Fajardo at libero Kath Arado.
Sasandal naman ang HD Spikers, target ang kanilang unang championship stint magmula noong 2022 Reinforced Conference, kay prolific reinforcement at Venezuelan MJ Perez, na nakakuha ng sapat na suporta mula kina Riri Meneses, Ces Molina at Jackie Acuña.
Gayunman, laban sa battle-hardened Creamline squad, kailangan ng Cignal na ilabas ang A-game nito upang ma-neutralize ang eight-time PVL champions.
Ang Cool Smashers, na nalusutan ang matitinding hamon sa kabila ng pagkawala ng ilang key players, ay dalawang panalo na lamang mula sa record ninth championship.