TINANGKANG umiskor ni Kyle Negrito ng Creamline laban kay Sisi Rondina ng Choco Mucho sa kanilang PVL All-Filipino Conference semis duel noong nakaraang April 30. PVL PHOTO
Mga laro ngayon:
(Smart Araneta Coliseum)
4 p.m. – PetroGazz vs Chery Tiggo (3rd Place)
6 p.m. – Choco Mucho vs Creamline (Finals, Game 1)
BILANG Finals debutants noong nakaraang taon, ang Choco Mucho ay winalis ng Creamline side na mayaman sa Premier Volleyball League championship experience.
May natutunang leksiyon mula sa nakaraang All-Filipino Conference title series debacle, umaasa ang Flying Titans na mamayani laban sa Cool Smashers sa pagsisimula ng best-of-three series ngayong alas-6 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Bahagyang paborito ang Choco Mucho laban sa multi-titled Creamline, isang scenario na taliwas noong nakaraang taon nang ang Flying Titans ay malinaw na underdogs.
Ito ay makaraang walisin ng Choco Mucho ang tatlong laro sa semifinals, pinatunayan ang pagiging top contenders sa kabila ng pagkawala ng key players dahil sa iba’t ibang kadahilanan sa kasagsagan ng kanilang kampanya.
“Alam ninyo naman na kulang kami, pero sa ngayon, masarap ang feeling namin kasi ‘yung pinagpaguran namin…nandito na kami sa Finals,” sabi ni coach Dante Alinsunurin.
Sa pagsisimula ng Finals ay nakatutok ang lahat sa explosive talents nina Flying Titans’ reigning MVP Sisi Rondina at Cool Smashers’ Tots Carlos.
Gayunman, ang performances ng supporting cast at ng bench players ay magiging krusyal din sa series.
Sisimulan din ng PetroGazz at Chery Tiggo ang kanilang sariling best-of-three series para sa bronze sa alas-4 ng hapon.
Para kay Alinsunurin, hindi problema ang motibasyon dahil gutom ang Choco Mucho sa kampeonato, kung saan inaasam nito ang breakthrough magmula nang lumahok sa liga noong 2019.
Sa kanyang ika-4 na conference sa Flying Titans, naniniwala si Alinsunurin na ngayon na ang kanyang panahon.
“Siguro ang edge namin ay ‘yung gutom talaga. Gutom talaga ang Choco Mucho na makarating sa finals o makakuha ng championship,” sabi ni Alinsunurin.
“Kasi ito na ‘yung matagal nang hinihintay ng mga players at kami ring mga coaches na makuha ‘yun.”
Binigyang-diin ni coach Sherwin Meneses ang pokus ng koponan sa pakikibagay sa bawat sitwasyon kung saan target ng Creamline ang record eighth championship.
“Same lang naman lagi ang ginagawa namin, ‘yung situation talagang nilalabanan namin. ‘Yung situation every point talaga, ‘yun lang naman ‘yung importante. So doon kami nagpe-prepare pa lagi, every day, kung anong sitwasyon yung mangyayari kasi hindi namin ma-predict kung ano ‘yung mangyayari,” ani Meneses.
Handa ang Cool Smashers na idepensa ang kanilang korona laban sa sinumang challenger.
“Kami naman kahit sino ‘yung kalaban, ready kami kasi more on situation ‘yung training namin so titignan muna namin, aaralin kung sino yung makakalaban namin pero kahit sino naman okay lang,” ayon kay Meneses.
“Sana ma-improve pa namin sa Finals at ma-defend namin ‘yung crown.”