UMENTO PA SA GOV’T WORKERS

Secretary Benjamin Diokno

MAKAAASA ang mga kawani ng gobyerno ng mas mataas na suweldo hanggang sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).

Sinabi ni Budget Secretary Benjamin Diokno na kasado na ang pagbibigay nila ng umento sa mga empleyado ng pamahalaan at ang pinag-aaralan na lamang ngayon ay kung magkano.

“There will be [an increase]. Not a possibility, but how much, is not yet determined,” ani Diokno.

Ayon sa kalihim, ang salary adjustment ay para makapantay ang sahod ng mga empleyado ng gobyerno, kabilang ang mga sundalo, sa tinatanggap ng  pribadong sektor.

“We are going to hire a third party to study the wage structure at this time for the 2020 to 2022 salary adjustment,” aniya.

“What we are doing now is that what will be the salary structure of the private sector, we will compare our salary structure,” dagdag pa niya.

Dagdag pa ng budget chief, ang planong wage hike ay maaaring ipatupad sa pamamagitan ng isang Executive Order o sa pamamagitan ng isang bill sa Kongreso.

Noong nakaraang taon ay naglaan ang DBM  ng kabuuang P29.7 billion para sa  year-end bonus ng civilian personnel at P6.5 billion para sa year-end bonus ng military at uniformed personnel.

Samantala, mawawala na ang mga contractual worker sa gobyerno pagpasok ng 2021.

Batay sa inamyendahang joint circular ng DBM, Civil Service Commission (CSC) at Commission on Audit (COA), hanggang Disyembre 31, 2020 na lamang puwedeng i-renew ang umiiral na kontrata ng mga contractual employee ng pamahalaan.

Gayunman, ang mga contract of service at job order worker na kuwalipikado ay may pag-asang maitalaga sa mga bakanteng posisyon sa mga ahensiya ng pamahalaan.

Simula rin ngayong 2019, ipapantay na ang suweldo ng contractual workers  sa mga regular na empleyado ng pamahalaan.

Comments are closed.