PINADARAGDAGAN ni Laguna Rep. Ruth Mariano Hernandez ang sahod ng government doctors at nurses sa bansa.
Sa ilalim ng House Bill 7053 ay pinatataasan sa salary grade 24 mula sa salary grade 21 ang entry level ng government doctors o mula sa P59,353 buwanang suweldo ay magiging P85,074.
Ang government nurses naman ay itataas sa salary grade 16 mula sa salary grade 11 o magiging P35,106 na ang entry level na sahod mula sa kasalukuyang P22,316.
Binigyang-diin ng mambabatas na ang pagtaas sa suweldo ay layong mapalakas ang local health care system sa gitna ng COVID-19.
Nakapaloob din sa panukala ni Hernandez ang pagbibigay ng P5,000 na buwanang hazard allowance na exempted sa pagbabayad ng buwis; P75 allowance sa kada meal; P500 laundry at clothing allowance; P1,250 rice subsidy allowance; special longevity pay na katumbas ng isang buwang suweldo kada 10 taon ng serbisyo; at special risk allowance na 25% ng monthly basic salary.
Ipinapanukala rin ng mambabatas na mabigyan ang mga ito ng P100,000 na compensation kung sila ay magkasakit habang sila ay naka-duty at P1 million naman kung sila ay masasawi sa gitna ng kanilang pagseserbisyo. CONDE BATAC
Comments are closed.