UMENTO SA GOV’T WORKERS IPAPRAYORIDAD NG KAMARA

SALARY INCREASE-3

MAKARAANG ihayag ng economic team na may sapat na pondo ang pamahalaan para magpatupad ng panibagong salary adjustment, sinabi ng isang lider ng Kamara na bibigyang prayoridad ng mababang kapulungan ang bagong panukala na nagtataas sa sahod ng government workers, kabilang ang mga guro at nurse.

Ayon kay Deputy Speaker fo Finance Luis Raymund Villafuerte, uunahin ng Kamara ang pag-apruba sa pay hike ng mga empleyado ng gobyerno bilang suporta sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa mabilis na pag-aksiyon ng Kongreso sa naturang panukala sa kanyang ika-4 na State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 22.

“There is more reason for the Congress to write new legislation amending the Salary Standardization Law (SSL) to clear the way to another pay increase, now that the head of the President’s economic team—Finance Secretary Carlos Dominguez III—has revealed that the government has enough funds to implement another salary adjustment,” wika ni Villafuerte.

Nauna nang nagpalabas si Presidente Duterte ng executive order (EO) na nag-aamyenda sa SSL sa pamamagitan ng pagbabago sa salary schedule upang bigyang pahintulot ang ika-4 na pay increase magmula nang lagdaan ang nasabing batas ng noo’y Presidente Aquino noong 2016.

Ayon pa sa kongresista, bibigyang prayoridad din ng Kamara ang SONA proposals ng Pangulo na paglikha ng  Department for Overseas Filipino Workers (OFWs),  Department of Disaster Resilience (DDR) at Department of Water Resources  (DWR), kung saan sinabi ng Department of Finance (DOF) na ang pagbuo sa naturang line departments ay hindi mangangailangan ng malaking pondo.

Sa kanyang pinakahuling SONA, binigyang-diin ni Duterte ang pangangailangan na lumikha ng bagong kagawaran para sa OFWs na magsusulong sa kanilang kapakanan at titiyak sa kanilang access sa government services,  gayundin ng hiwalay na departamento na tutugon sa mga epekto ng climate change at ng isa pa na mangangasiwa at mangangalaga sa water resources.

Nauna rito ay sinabi ni  Villafuerte na magsasagawa ang mababang kapulungan ng regular meetings, hindi lamang sa mga opisyal ng Ehekutibo, kundi maging sa mga senador para mapabilis ang pag-apruba sa priority measures ng administrasyong Duterte.

Aniya, ang mga planong regular dialogue ay isasagawa bago pa man ang pagpupulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC),  na maaaring isagawa sa Agosto upang talakayin ang priority legislative agenda ni Pangulong Duterte na kanyang inilatag sa kanyang pinakahuling SONA.

Idinagdag pa ni Villafuerte na kabilang sa mga panukala na tatrabahuhin ng House leadership na maipasa ngayong taon ay ang nalalabing bills sa ilalim ng  Comprehensive Tax Reform Package, na inendorso ng Pangulo sa kanyang SONA. JOVEE MARIE N. DELA CRUZ