IGINIIT ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri na makaaakit sa mga manggagawa na manatili sa bansa kung tataasan ang sahod ng mga ito.
Ito ay kasabay ng panibagong panawagan niya para sa P150 na umento sa minimum wage.
Ito ang naging tugon ni Zubiri sa pahayag na ginawa ni Finance Secretary Benjamin Diokno, na sinasabing ang kakulangan ng mga skilled worker sa bansa ay nagtutulak sa gobyerno na kumuha ng mga Chinese na manggagawa.
“And why, your Honors, (is there a shortage)? Because to be honest, they don’t feel that they can survive with the salaries that we have here in the Philippines,” ayon sa Senate President.
“I know you came out already publicly stating that you guys are against legislative wage hikes, but I’ll be honest with you, Secretary, kawawang-kawawa po ang ating mga kababayan,” dagdag pa niya.
Kamakailan ay inaprubahan ng wage board ang pagtaas ng P40 sa minimum wage ng mga manggagawa sa Metro Manila, kaya naging P610 ang kabuuang sahod sa isang araw. LIZA SORIANO