HINDI uso sa Pilipinas ang June Bride. Actually, mas maraming ikinakasal na Pinoy kapag Disyembre. At kung kasalan ang usapan sa Pilipinas, marami tayong cultural practices na kakaiba kumpara sa alin mang panig ng mundo.
Kung sila ay may tinatawag na engagement ceremony, tayo naman ay may tinatawag na pamamanhikan. Isa itong mahalagang tradisyong inaasahan ng lahat kapag ikakasal na. Ito ang pinagsama-samang meet the parents at engagement kaya puno ng kaba at excitement — dahil kahit nagkasundo na ang magnobyo, ang pamamanhikan, ay ang paghingi ng kamay ng babae sa magulanag nito o paghingi ng approval. Take note, kapag sinabing hinihingi ang kamay, hindi kamay lang talaga ang hinihingi kundi ang kabuuan niyang pagkatao. Sabi nga nila, sa Pilipinas raw, kapag nagpakasal ka, hindi lamang ang girlfriend ang pinakasalan mo kundi ang buong lahi.
Bago magsimula ng pagpaplano ng kasal – simple man o engrande – heto ang mga kailangang malaman hinggil sa tradisyon sa pamamanhikan at kung paano ito gagawin ng tama.
Ang Pamamanhikan ay mula sa salitang “panhik,” na ang ibig sabihin ay pag-akyat sa hagdan ng bahay. Lahat kasi ng bahay noong unang panahon ay may hagdan.
Bago mamanhikan, mauuna ang paninilbihan (servitude), paraan noong unang panahon sa panliligaw. Ang nanliliaw ay mag-iigib ng tubig, magsisibak ng kahoy, at gagawin ang anumang iutos ng mga magulang at ng babaing nililigawan.
Sabi nila, nawawala na raw ang tradisyong ito ngunit sa maniwala kayo o hindi, kahit ang modernong mga Filipino ay may paraan upang manilbihan gamit ang mga modernong gamit.
Ginaganap ang pamamanhikan sa bahay ng babae, pero pwede rin namang sa ibang lugar kung masyadong marami ang kamag-anak na kasama ng magkabilang partido. Ang proseso nito ay ang paghingi ng nobyo ng permiso sa magulang ng nobya na payagan silang makasal. Kapag pumayag sila, magtatakda ng araw upang magtungo ang pamilya ng lalaki sa tahanan ng pamilya ng babae, bitbit ang mga pagkaing pagsasaluhan ng lahat. Kadalasang isa itong hapunan. Matapos ang hapunan, saka lamang pag-uusapan ang detalye ng kasalan.
Unang ipakilala ng lalaki ang mga miyembro ng pamilyang kasama niya kahit matagal na silang magkakakilala. Ipakikilala rin ng nobya ang mga miyembro ng kanilang pamilya. Pag-uusapan nila ang wedding date, wedding venues, at ang guest list.
Traditionally, sagot ng pamilya ng lalaki ang lahat ng gastusin sa kasal, pero samodernong panahong ito, mas kumportable ang pamilyang maghati sa gastos. Hindi uso noon ang wedding planner kaya kadalasang ang ina ng bride ang pubong abala sa preparasyon.
Sa kasalukuyang panahon, hindi na gaanong ganoon kadetalye ang pamamanhikan, ngunit ginagawa pa rin ito ng mga ikakasal na may respeto sa kanilang pamilya. Para na rin ito sa magandang pagsasamahan. Alalahanin ninyong nasa Pilipinas ka. Sa Pilipinas, kapag nagpakasal ka, isang buong lahi ang madadagdag sa pamilya mo. Sa madaling sabi, ang pagpapakasal ay pagsasanib ng dalawang lahi. KAYE NEBRE MARTIN