(Umiiral pa rin sa state of calamity areas)PRICE FREEZE SA BASIC GOODS

PRICE FREEZE

IPINATUTUPAD pa rin ang price freeze sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).

Sinabi ng DTI na may 22 barangays, 16 bayan, apat na lungsod at tatlong lalawigan sa anim na rehiyon sa buong bansa ang isinailalim sa state of calamity sanhi ng matinding pagbaha dulot ng northeast monsoon, shear line at low-pressure area.

Ang naturang mga lugar ay nasa rehiyon ng Mimaropa, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao at Caraga.

Ang lahat ng basic goods ay isinailalim sa price freeze sa loob ng 60 araw, habang ang presyo ng household liquefied petroleum gas (LPG) at kerosene ay hindi dapat gumalaw sa loob ng 15 araw sa ilalim ng Price Act.

Kabilang sa basic commodities ang sardinas, locally manufactured instant noodles, bottled water, tinapay, processed milk, kape, kandila, laundry soap, detergent at asin.

Ayon kay DTI Undersecretary for Consumer Protection Group Ruth Castelo, mahigpit na binabantayan ng ahensiya ang presyo at suplay ng goods sa state of calamity areas.

“Aside from basic necessities, our regional and provincial offices’ monitoring teams also check for the price and supply of other commodities. We urge manufacturers to ensure adequate supply in these areas,” ani Castelo.

Hinikayat ng DTI ang mga consumer na i-report ang mga retailer, distributor at manufacturer na nagbebenta ng basic goods na mas mataas sa umiiral na presyo sa pagtawag sa 1-DTI (1-384) o mag-email sa ConsumerCare@dti.gov.ph.

Sa ilalim ng Price Act, ang mga lalabag ay mahaharap sa parusang pagkabilanggo ng isa hanggang 10 taon, o pagmumulta ng P5,000 hanggang P1 million o pareho, depende sa magiging kapasyahan ng korte.

PNA