SURIGAO DEL NORTE – INAALAM pa kung may kinalaman sa ininom na pampurga ang sanhi ng pagkamatay ng isang estudyante ng San Isidro Elementary School sa bayan ng Gigaquit.
Sa ulat, hinihintay pa ang autopsy result sa biktima upang malaman ang totoong dahilan nang biglang pagkamatay nito.
Sa nakuhang record ng Police Regional Office (PRO)-13, inihayag ni P/SM Sgt. Zena Panaligan ng Public Information Office, nalamang dumulog sa police station si Ruel Guiboata at iniulat ang pagkamatay ng kanyang pamangkin na si alyas Mae, Grade 3, at residente ng Purok 5, Barangay Villaflor ng nasabing bayan.
Sinabi ni Panaligan na lumabas sa imbestigasyon na kasama ang biktima sa mga bata ng San Isidro Elementary School na pinainom ng pampurgang “Albendazole” sa umaga pa lang at umuwi para sa pananghalian.
Dito na nagreklamo nang pagsakit ng kanyang tiyan ang biktima at pagkawala ng kanyang paningin hanggang bigla na lang itong bumulagta.
Kaagad itong dinala sa Gigaquit District Hospital kung saan idineklara itong dead on arrival ng attending physician.
Lumabas pa sa kanilang imbestigasyon na may dalawa ring Grade 5 pupils ang nakaranas ng pananakit ng kanilang tiyan matapos umanong uminom ng kaparehong gamot at naka-confine sa Caraga Regional Hospital ng Surigao City. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.