UMPISA NG CIRCUS

Magkape Muna Tayo Ulit

KAHAPON ay nagbukas na ang Commission on Elections (Comelec) sa pagtanggap ng certificate of candidacy (CoC) sa lahat ng mga nag-aambisyon na tumakbo sa 2019 midterm elections. Magtatapos ang CoC filing sa susunod na linggo, ika-17 ng Oktubre.

Marami na ang pumunta sa Comelec kahapon. Maaga pa lang ay nagsumite na ang ilan sa kanila ng kanilang intensiyon na maging kandidato sa Senado. Isa sa kilalang personalidad ay ang musikero na si Freddie Aguilar. Naghain din si dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares. Si Dr. Willie Ong na da­ting consultant ng DoH ay sasabak din sa halalan. May mga ibang aspirante rin na hindi naman kilala sa publiko ay naglakas loob din maghain ng kanilang CoC.

Ang dating Senate President at pangulo ng PDP-Laban na si Sen. Koko Pimentel ay isa rin sa mga nanguna na naghain ng CoC. Ayon kay Sen. Pemintel, may listahan na sila ng mga opisyal na kandidato ng kanilang partido. Ang mga ito ay sina Presidential Adviser on Political Affairs Francis Tolentino, Makati Rep. Monsour Del Rosario,  Rep. Dong Mangundadatu, dating PNP chief at kasalukuyang pinuno ng Bureau of Corrections na si Bato Dela Rosa, ang nag-resign na Presidential Spokeperson Harry Roque at Special Assistant to the President Bong Go.

Ang nauuso ngayon sa ating politika pagda­ting ng eleksiyon, kapag malapit sila sa iba’t ibang partido politikal ay isinasama sila sa kanilang line-ups.

Kaya kung minsan ay may mga kandidato na kasapi ng Nationalista Party, PDP-Laban at Nationalist People’s Coalition. Mga magkakaalyado ang mga ito kaya minsan ay may ‘common candidate’ sila.

Sa oposisyon naman ay tila nahihirapan silang makabuo ng matinding line-up na sasabak sa senatorial elections. Nabawasan ng impluwensya ang Liberal Party na itinuring noon na isang malakas at organisadong political party. Si Sen. Bam Aquino na tatakbo para re-election ay malayo sa bilang sa nakaraang survey sa top 15. May isang kandidato na naghain ng CoC kahapon sa ilalim ng Liberal Party. Siya ay si Samira Gutoc-Tomawis mula sa Min­danao. Kilala n’yo ba siya? Hmmmmm.

Marami pang dadag­sa na magpa-file ng kanilang CoC mula ngayon hanggang sa Miyerkoles sa susunod na linggo. Asahan na ang mga matutunog na pangalan na tatakbo sa pagka-senador, ayon sa latest senatorial survey ay gumagawa ngayon ng mga gimik upang mapanatili ang kanilang mga pangalan na nabibilang sa top 15. Ito ay mga incumbent senators na sina Grace Poe, Nancy Binay, Cynthia Villar, Sonny Angara, JV Ejercito. Sasabak din ang kanyang mahal na kapatid na si Jinggoy Estrada. Nangunguna rin sa listahan si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos.

Ang nagbabalik na si Lito Lapid, Serge Osmeña, Rep. Pia Cayetano ay maugong din na mananalo sa pagka-senador at marami pang iba.

Nagbigay paalala ang Comelec sa lahat ng mga nais maghain ng COC sa kanilang opisina na huwag itong gawing circus.  Kaya nilimitahan nila ang mga kasama ng kandidato sa pagpasok sa kanilang opisina para mapanatili ang kaayusan. Subalit mukhang wala silang magagawa kung may mga kasama silang mga supporter na nasa labas ng Comelec na nagpapatugtog ng malakas na musika o campaign song nila. Alam naman natin ang ugaling Filipino. Sa mga ganitong mga kaganapan ay maraming mga ‘usi’ usisero.

Subalit ang circus na babala ng Comelec ay para lamang sa pag-file ng COC sa loob ng pitong araw. Ang tinutukoy kong circus ay mula ngayon hanggang sa May 2019 elections. Mula ngayon hanggang sa paglagay ng ating boto sa balota sa Mayo 2019, makikita at mararamdaman natin ang circus ng eleksiyon. ‘Only in the Philippines’ ang samu’t saring gimik na mararanasan natin. Dadagasa na naman ang mga campaign material. Mapupuno na naman ang lansangan ng mga tarpaulin at campaign posters na magdaragdag dumi sa ating lansangan. Magkakaroon ng paninirang puri. Paggawa ng fake news. Mga insidente ng election violence. Debate ng mga kandidato at marami pang iba. Kaya sabi ko nga…UMPISA NA NG CIRCUS!

Comments are closed.