UMPISAHAN NA ANG REHABILITASYON NG NAIA

Magkape Muna Tayo Ulit

SINGAPORE- Bago matapos ang 2018 nagpahayag ang NAIA Consortium, na binubuo ng pito sa malalaking korporasyon sa Filipinas, na ibinigay na sa kanila ng Department of Transportation (DOTr) at Manila Inernational Airport Authority (MIAA) ang original proponent status (OPS) upang ayusin, pagandahin, kumpunihin at patakbuhin ang operasyon ng NAIA. Hinihintay na lamang nila ang ayuda ng National Economic and Development Authority (NEDA) upang maumpisahan ang proyekto nitong 2019.

Ang nasabing pitong malalaking korporasyon ay ang Aboitiz InfraCapital Incorporated, AC Infrastructure Holdings Corporation, Alliance Global Group Incorporated, Asia’s Emerging Dragon Corporation, Filinvest Development Corporation, JG Summit Holdings Incorporated, at Metro Pacific Investments Corporation. May pinagsama silang kapital sa nasabing proyekto na nagkakahalaga ng mahigit na P2.2 trillion. Ang nasabing consortium ay kinuha rin ang kadalubhasaan o expertise ng Changi Airports International Private Limited ng bansang Singapore. Sila ang magbibigay ng technical support sa master planning, operations at commercial development para sa NAIA.

Nangako ang nasabing consortium na mararamdaman daw ng mga tumatangkilik sa ating paliparan ang malaking pagbabago sa ikatlong taon ng rehabi­litasyon ng NAIA kapag nasimulan na ito. Kaya kung sismulan ang rehabilitasyon nitong taon, mararamdaman natin ang pagbabago sa 2022. Sa panukala ng NAIA Consortium, matapos nilang ayusin ito, sila ang mamamahala ng operasyon ng NAIA sa loob ng 35 taon. Nagkakahalaga ang planong rehabilitasyon ng P350 billion. Subali’t ibinaba ng DOTr sa 15 years ito at magkakahalaga lamang ng P102 billion.

Maganda ang hinaharap ng NAIA na hinirang natin bilang ‘Gateway’ ng Filipinas. Subali’t maliban sa NAIA, marami rin na pinag-iisipan na ayusin o mag-develop ng iba pang mga paliparan sa paligid ng Metro Manila. Nandyan ang Clark Airport sa Pampanga, Subic Airport sa Zambales, Sangley Point sa Cavite at ang panukala ng San Miguel Corporation na magtayo ng malaking airport sa Bulacan.

Sa aking pananaw, ang lokasyon ng NAIA upang maging premyadong airport ng ating bansa ay may hangganan na. Lumalaki ang populasyon ng ating bansa at nakapagdudulot ng mabigat na trapiko ito sa Metro Manila. Marami ng bansa ang inilayo ang kanilang mga international airport tulad sa Japan, Singapore, Hong Kong at Malaysia.

Ang Kuala Lumpur International Airport (KLIA) ay inumpisahang gawin noong 1993 dahil nakita nila na ang dating Subang International Airport ay hindi na kakayanin ang lumalaking populas­yon na gumagamit nito.

Naniniwala ako na malaki ang maitutulong ng kadalubhasaan o expertise ng Changi Airports International Private Limited ng Singapore. Ang Changi Airport ay hinirang bilang isa sa pinakamagandang airport sa buong mundo sa sunod-sunod na anim na taon mula 2001 ng Skytrax. Ang Skytrax ay isang prestihiyosong grupo na nagbibigay ng antas o grado sa ganda ng serbisyo at kaayusan ng lahat ng paliparan sa buong mundo.

Para sa mga hindi pa nakaka-‘experience’ kung ano ang makikita sa loob ng Changi Airport, mayroon silang libreng sinehan, magandang hardin, swimming pool, malaking shopping mall, kainan at marami pang iba. At ang lahat ng ito ay nasa loob ng airport. Wala sa labas. Maliban pa rito, sa  pagpasok mo sa Changi Airport, naka-carpet ang lahat ng kanilang sahig. Malinis ang mga banyo. Hi-tech ang pag check-in at pagpasok sa immigration. Kailangan mo lang i-scan ang iyong passport. Wala masyadong pila. Libre ang wi-fi nila. Gagamitin mo lamang ang iyong passport at i-scan din sa mga piling lugar upang makahingi ng libreng internet.

Sana ay ganito ang mangyari sa planong rehabilitasyon ng NAIA. Nanawagan ako na madaliin na ng NEDA ang pag-aprub sa nasabing proyekto. Kailangan natin ito.

Comments are closed.