MARAMI ang nagdiwang (kasama na ako roon) nang i-headline ng weforum.org na ang Filipinas ang tanging bansa sa Asya na nasa Top 10 ng Global Gender Gap Index, ang taunang survey na ginagawa ng World Economic Forum (WEF) upang sukatin kung gaano ka-gender equal ang isang bansa.
Ibig sabihin nito, numero uno ang Filipinas sa Asya pagdating sa pagbibigay ng patas na pagtingin sa babae at lalaki. Sumunod sa Filipinas ang Bangladesh, Mongolia, Laos, Singapore, Vietnam, Thailand, Myanmar, Indonesia, at Cambodia.
Subalit kapag binasa mong mabuti ang artikulo, makikita na lumagapak pa ang Filipinas mula sa ika-anim na puwesto noong nakaraang taon sa kasalukuyang puwesto nito na ika-sampu, kahit pa siya ang pinakamataas sa buong Asya.
Ang nakababahala rito ay sa dalawang napakahalagang pamantayan bumaba ang Filipinas – wage equality o ang patas na pasuweldo at health and survival na tumutukoy sa rami ng babaeng pinapanganak kumpara sa mga lalaki at malusog na life expectancy.
Para sa katulad kong isang propesyunal sa trabaho, hindi katanggap-tanggap na mabigyan ng mas malaking sahod ang isang lalaki kahit na pareho ang trabaho namin. Sa kabutihang-palad ay pawang makatarungang magpasahod ang mga kompanyang napapasukan ko.
Gayundin, patuloy na malaki ang puwang sa pagitan ng mga babae at lalaki pagdating sa kapangyarihang politikal. Kitang-kita ito sa Senado na anim lamang ang babae laban sa 18 na lalaking senador. Kahit sa pinakamataas na posisyon sa bansa, dehado ang mga babae dahil dalawa pa lamang ang naging presidente sa aming mga kabaro – sina Cory Aquino at Gloria Macapagal-Arroyo.
Ang maaari lamang sigurong ipagdiwang sa pinakahuling WEF Global Gender Gap Index na ito ay ang pagkakaroon na ng patas na pagkakataon sa pagitan ng babae at lalaki pagdating sa nakamit na edukasyon. May panahon nga naman na sa isang pamilya, karaniwan na ang lalaking anak lamang ang pinag-aaral dahil inaasahan na magpapakasal lang naman ang babae at magiging isang maybahay.
Maaari ngang malayo na ang narating natin pagdating sa gender equality pero nakababahala na umaatras pa tayo sa mga bagay na napagtagumpayanan na natin. Sadyang isang patuloy na laban ang paggiit sa patas na karapatan para sa kababaihan.
Comments are closed.