NAGPASYA ang House Committee on Agriculture and Food na bumuo ng isang technical working group (TWG) para i-consolidate ang magkakaibang panukala na ang isinusulong ay ang pag-amyenda sa Republic Act No. 8172, o ang Act for Salt Iodization Nationwide (ASIN Law) at ang muling pagpapalakas o pagbuhay sa industriya ng pag-aasin sa bansa.
Sa pagdinig ng naturang House panel na pinamumunuan ni Quezon 1st. Dist. Rep. Wilfrido Mark M. Enverga kamakalawa, inilatag ni KABAYAN party-list Rep. Ron Salo ang iniakda niyang House Bill No.1976, na layuning bumuo ng Comprehensive Salt Industry Development Program.
“This bill is a product of numerous consultations with various stakeholders – salt farmers, salt producers, and even representatives from government agencies. We have carefully studied and crafted this bill, bearing in mind first and foremost the needs of our local sea salt farmers,” sabi ni Salo, chairperson din ng House Committee on Overseas Workers Affairs, sa kanyang sponsorship speech.
Sa ilalim ng HB No. 1976, nais ni Salo na magkaloob ang pamahalaan ng technical, physical, at financial assistance kapwa sa salt farmers at artisanal salt farmers upang mapabuti ang produksiyon ng mga ito.
“It also mandates the government to invest in the identification and construction of salt farms for lease to qualified salt farmers, whether individuals, cooperatives, or corporations,” dagdag pa ni Salo.
Ang nasabing panukala ay sinegundahan ni AGRI party-list Rep. Wilbert T. Lee, na may hiwalay na inihaing House Bill No. 5676, na para sa pagbuo ng 5-year Philippine Salt Industry Development Roadmap at popondohan ng P1 billion para sa research and development ng local salt industry.
Pagbibigay-diin ni Lee, kailangang masuportahan at mapangalagaan ng pamahalaan ang local salt stakeholders at kung hindi man ganap na alisin ay mabawasan nang malaki ang pag-angkat ng bansa ng asin.
Kapwa sinabi nina Salo at Lee na hindi katanggap-tanggap na ang Pilipinas na may 36,000 kilometers shoreline, na fifth longest sa buong mundo, ay inaangkat ang 93% ng kabuuang suplay ng asin na kinakailangan nito taon-taon.
“This is a great tragedy because we are an archipelago with one of the longest shorelines in the world, yet we rely on other countries for an ingredient that is deeply ingrained in our life,” dismayadong pahayag pa ni Lee.
Umani naman ng suporta, partikular mula kay Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) Chair Sergio Ortiz-Luis, Jr., sa opisyal ng PhilAsin na si Gerard Khonghun, at sa mga kongresista ang layunin ng komite na buhayin muli ang salt farming o salt production sa bansa.
ROMER R. BUTUYAN