UMUWI KA NA, GRAHAM LIM

on the spot- pilipino mirror

DINAGSA  ang isinagawang victory party para sa mga supporter ng Brgy Ginebra kama­kalawa ng hapon  sa Metro Tent sa Metro Walk sa Pasig. Maaga pa lang ay  nakapila na ang mga  supporter ng Gin Kings. Habang naghihintay ang fans sa   pagdating ng mga player ng koponan  ay pinanood muna nila ang Game 3. Sulit naman ang paghihintay ng lahat dahil pagkatapos ng party ay nakatanggap sila ng champion t-shirt ng Ginebra, produkto at 2020 calendar ng koponan. Congrats ulit sa  kampo ng Gin Kings, sa SMC, at kay coach Tim Cone.



Hindi lang si Mark Caguioa ang happy sa pag-extend sa kanyang one-year contract ng Ginebra management kundi maging ang  fans at supporter ng Gin kings. Nasa edad 40 na si Caguiao pero kaya pa niyang makipagsabayan sa mga batang player. ‘Yun nga lang bibihira na siyang gamitin ni coach Tim Cone, mas pinapaboran ni coach ang mga mabibilis kumilos sa court. Pero kapag may time na kailangang gamitin si Mark ni coach Cone ay nagagawa nitong bigyan ng playing time. Sakali namang  matapos ang kontrata ni  Caguioa ay hindi naman Ito mawawala sa team dahil posibleng idag­dag siya sa coaching staff ng koponan.



Congratulations  kay Jack Santiago  na siyang bagong  head coach ng aming alma mater na UNIVERSITY OF THE EAST.  Sana ay siya na ang sagot sa UE RED WARRIORS. May 11 iseasons na hindi nakapasok sa final four ang UE , hoping na ma­ging maayos na ang team namin para sa 83rd season ng UAAP. Ang host ngayong 2020 ay  ang De La Salle Green Archers.



Marahil ay panahon  na para umuwi si  Mr. Graham Lim, ang may timon sa kumikikig pang Basketball Association of the Philippines(BAP)na pinagkaisahang pagdusahin ng mga maimpluwensiya sa lipunan noong  Aquino administration.

Si Graham Lim na ipinanganak sa Filipinas, nag-aral, nagkapamilya at nakapaglingkod na rin sa bansa bilang sports leader ay nagdurusa pa rin sa ibang lupain dahil sa kawalan ng hustisya kung saan itinapon  siya sa labas ng bansa   dahil sa bintang na hindi siya isang Filipino  ng mga nang-agaw sa kanyang poder bilang may kum­pas sa tanyag na basketball sa lahing itinuturing na relihiyon ang  larangan.

Dahil  sa prinsipyo at walang katapat na halaga ng pilak ay ‘di  ibinigay ni Lim ang timon sa BAP kung kaya patong-patong na kaso ang isinampa ng mga maimpluwensyang sakim at idineklarang  STATELESS ang pobre kaya nagtagumpay silang mawala sa landas nila si Graham pero ‘di  nito isinuko ang BAP.

Ito ang dahilan kaya  nagtatag sila ng samahan sa basketbol at sinilaw ang POC at FIBA upang sila na ang kilalaning NSA at basketball association sa world cage map gamit ang kinang ng salapi nila.

Ngayon ay sila ang naghaharing-uring  oligarko ng  basketball sa ‘Pinas pero heto  ang karma,mas malala pang kahihiyan ang sinasapit ng pambansang koponan na pinagwawagwagan ng mga walang PUSONG higanteng kalabang  pang- mundial.Palusot ng mga taong magigilas na nakinabang sa yaman ng kanilang patron sa samahang basketball,at least ay # 32 ang ranggo natin sa world basketball..by golly,  sino ang  ginogoyo ninyo?

‘Di pa rin makauwi si Graham Lim dahil sa pag-blacklst sa kanya ng  nakarmang walang hustisyang dating kalihim ng DOJ   na ngayon ay senador at  nakakulong dahil umano sa ilegal na droga.

Nagbago ang ihip ng panahon,iba na ang administrasyon at sumilay ang pag-asang makakauwi na si Graham sa tamang panahon.

Nawa’y mabigyan ng pagkakataon si Graham  na makabalik ng Filipinas upang ipag­patuloy ang buhay ng  isang mamamayang may bansa, madama ang kaukulang human rights at masagot  sa  proper forum ang mga ibinibintang sa kanya ng  nakaraang admnistrasyon.SANA MAKAUWI NA SI GRAHAM LIM.

Comments are closed.