SA HARAP ng banta ng pananalasa ng bagyong Mangkhut na inaasahang magdadala ng malalakas na pag-ulan at hanging nasa 160 kph, mahigpit na nanawagan si House Appropriations Committee Chair-person Rep. Karlo ‘Ang Probinsiyano’ Nograles sa National Food Authority (NFA) na paigtingin ang pamimili ng palay sa lokal na magsasaka bago pa man tumama ang nasabing bagyo sa bansa.
“Hindi kagandahan ang rekord ng NFA sa usapin ng pamimili ng palay mula sa ating mga magsasaka, ngunit ito na ang panahon upang paigtingin ng ahensiya ang kanilang pagbili ng palay,” pahayag ni Nograles, na muling iginiit ang kanyang panawagan sa NFA Council na itaas ang kanilang buying price ng palay sa P22 mula sa kasalukuyang P17 upang kayanin ng NFA na makipagtagisan sa mga pribadong mangangalakal ng bigas.
Binigyang-diin din ni Nograles na sa harap ng pagnipis ng buffer stocks ng bigas na sasapat na lamang sa tatlong araw ng kabuuang konsumo ng bansa base na rin sa ulat ng ahensiya, at ang pagkaantala sa dating ng inangkat na bigas na inaasahang sa Nobyembre pa darating, nakapataw sa balikat ng NFA ang tungkuling maghagilap at mamili ng karagdagang imbak na bigas sa lalong madaling panahon.
Aniya, ang tatlong araw na imbak ay malayo sa minimum na 15-day buffer stock na dapat imantina ng NFA.
“Nararapat lamang na mamili ang NFA ng mas maraming bigas na pang-imbak mula sa lokal na produksiyon dahil, una, kung hindi sila bibili ng kanilang pang-imbak, lalo pang ninipis ang mga nakaimbak sa kanilang mga bodega dahil sa paparating na bagyo. Pangalawa, kapag patuloy tayong tatamaan ng malalakas na kalamidad, kailangan ng NFA ng mas maraming buffer stock para mayroon silang ipamamahagi sakaling kailanganin ng gobyernong mamigay ng relief goods sa mga probinsiyang masasalanta,” paliwanag pa ng mambabatas na nasa ikatlong termino ng panunungkulan sa Kamara.
Nag-aalala si Nograles dahil noong Hulyo, nasa 53,000 metric tons ng bigas na lamang ang nakaimbak sa bodega ng NFA at ang karagdagang 250,000 metric tons na inaprubahang angkatin ng NFA ay ilang linggo pa ang itatagal bago dumating sa bansa.
Idinaing din ng mambabatas mula Davao ang lumalabas na pagkiling ng gobyerno sa pag-angkat ng bigas mula sa Vietnam samantalang isinasantabi nito ang mga panawagang itaas ang ‘buying price’ ng palay mula sa mga kapuwa niya probinsiyano na mga lokal na magsasaka.
“Hindi na nagbago ang buying price ng palay mula pa noong 2008. Mula noon, nakita natin ang pagbaba sa bulto ng binibiling palay mula sa ating mga magsasaka samantalang sumirit naman ang bulto ng importasyon ng bigas kada taon. Buti pa ang magsasaka ng Vietnam, naibebenta ang kanilang produkto sa gobyerno natin, habang mga magsasaka natin dito, sa ating mga probinsiya, binabarat natin. Hindi na makatotohanan ang P17 na presyo ng bilihan, at napapanahon na upang itaas ito upang makabili na ang gobyerno sa mga magsasaka sa mas mataas na presyo.”