UNAHIN ANG KALUSUGAN

PUMASOK na ang holiday season at kabi-kabila ang mga pagtitipon, selebrasyon at higit sa lahat, pagkain.

Walang problema rito, pero mas masaya kung sa pagpasok ng Bagong Taon, wala tayong iniindang sakit.

Saan ba nakukuha ang sakit?

Ito ay sa lifestyle ng bawat indi­bidwal, mula sa kung ano ang madalas inumin, kainin at gawin.

Kaya kung ano ang iyong nakahiligang kainin mula pagkabata, iniipon mo ito sa katawan at nagiging sakit.

Ngayon, dahil uso ang mga party at kasama na roon ang masasarap subalit mamantikang pagkain at matatamis na inumin, kung aaraw-arawin mo ito sa loob ng isang buwan, ikaw ay nag-iipon ng sakit.

Ang mga numero unong sakit na maaaring makamit kung hindi pipigilan ang dami ng pagkain ay diabetes, heart diseases, mataas na choleste­rol, uric acid at iba pa.

Bukod sa pagkain, stressful din ang pamumuhay ngayon dahil hati ang ating isipan bukod sa paghaha­napbuhay at mga nababasa natin sa social media dahil naman sa smart phone.

Kahapon ay naiulat ang pagkamatay ng South Korean actor na si Park Min Jae habang nasa China.

Batay sa report, na-cardiac arrest si Min Jae o biglang huminto ang tibok ng kanyang puso.

Nakapagtataka na sa edad na 32 ay iyon ang sanhi ng kanyang kamatayan.

At maaaring ang sanhi ay ang lifestyle.

Kaya naman anuman ang ating propesyon at ginagawa, makabu­buting unahin ang kalusugan upang magkaroon ng mahabang buhay.

Masarap pa ring mabuhay at iyon ay appreciation sa ating Maykapal.