ISANG mainit na pagbati para sa lahat ng manggagawang Pinoy ngayong Araw ng Paggawa! Ang buong bansa ay nagbibigay-pugay sa inyo dahil sa inyong kontribusyon sa ating ekonomiya at sa pagpapaunlad ng ating bayan. Marapat lamang na ipagpatuloy ang pagtataguyod ng karapatan ng bawat manggagawa at pagkilos upang mapabuti ang kanilang kalagayan at kapakanan.
Noong unang bahagi ng 1900s, ang mga manggagawang Pinoy—karamihan sa kanila ay mga manual laborers—ay nagtatrabaho hanggang 12 oras bawat araw at hanggang 7 araw sa isang linggo. Ngunit sa pamamagitan ng Union Obrera Democratica Filipina, ang kauna-unahang trade union federation sa bansa, 36 na unyon ang nagsama-sama upang magsagawa ng isang kongreso sa ngalan ng karapatan ng manggagawa. Naganap ito noong unang araw ng Mayo, taong 1913.
Dahil sa aksyon ng mga unyonista at ng nagkaisang pwersa ng mga manggagawa, walong oras na trabaho na lamang ang kailangan o required mula sa manggagawa ngayon, at limang araw na lamang sa isang linggo ang araw ng pasok. Ang labing-anim na oras na natitira sa maghapon ay maaaring gamitin ng bawat manggagawa para sa pamamahinga o paglilibang.
Sa mabilis na mundo ng paggawa, maraming oras ang iginugugol natin para sa overtime, biyahe, at paghahanda upang pumasok sa opisina o umattend ng mga pulong. Bukod pa rito, ang mga manggagawang may anak o kapamilyang nangangailangan ng alaga ay naglalaan ng maraming panahon para sa kanilang mahal sa buhay o para sa paggawa ng mga gawaing bahay. Kaunting panahon na lamang ang naiiwan para sa pahinga at paglilibang.
(Itutuloy…)