(Pagpapatuloy…)
Kaya naman sa paglipas ng higit na isandaang taon makaraan ang kongresong nabanggit, ginugunita at ipinagdiriwang natin ang Araw ng Paggawa sa pamamagitan ng pagbibigay-pugay sa mga manggagawang Pinoy at pagkilala sa kanyang mga sakripisyo para sa pamilya at bayan. Patuloy rin nating hinihiling sa ating pamahalaan na aprubahan na ang mga hiling kagaya ng mas mataas na minimum wage rate at ang pagkansela sa kontraktwalisasyon (“endo”).
Ang independent presidential candidate na si Sen. Ping Lacson ay nagsabing base sa kasalukuyang presyo ng mga pangunahing bilihin, ang minimum wage ng isang manggagawang Pilipino sa Metro Manila ay dapat nasa P652 hanggang P700 kada araw, imbes na P537 hanggang P547 lamang, na siyang kasalukuyan nilang tinatanggap. Dahil sa pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng krisis sa Ukraine, ang presyo ng mga bilihin ay tumaas din. Ang mga suweldo ng manggagawa ay kinakailangang sumabay sa mga pagtaas na ito, aniya, kung hindi, maraming pamilya ang magugutom.
Ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), ang pinakamalaking samahan ng manggagawa sa bansa, ay patuloy na nagsusulong ng panawagan upang ipagbawal na ang “endo”.
Ayon sa TUCP, karamihan sa mga trabaho ngayon at mga bagong trabaho ay kontraktwal. Dagdag pa ng grupo, nauso ang “endo jobs” dahil sa mga polisiyang laban sa unyonismo.
Doon tayo sa proteksiyon at kapakanan ng manggagawang Pilipino.
Ang mga lehitimong hiling at hinaing ay ‘di dapat ipagwalang bahala ng Department of Labor and Employment, at ng national government mismo.
Ang tagumpay ng manggagawa ay tagumpay rin ng bansa.