UNANG 100 ARAW NI VICO SOTTO MATAGUMPAY

Vico Sotto

ITINUTURING ni Pasig City Mayor Vico Sotto na malaking tagumpay ang kanyang unang 100 araw bilang ama ng lungsod ng Pasig.

Sa panayam, ipinagmalaki ng alkalde na kanyang sinimulan ang ika-100 araw  sa pamamagitan ng pag-i­­n­s­peksiyon at pagpapasara sa isang meat processing plant sa Bagong Ilog.

“After some quick office work, we started our 100th day inspecting and then ordering the closure of a meat processing plant in Bagong Ilog,” ani Sotto.

Nabatid na dumidiretso sa drainage at kalsada ang maruming tubig na may kasama pang dugo ng baboy.

“Wala silang anti-pollution device na kailangan sa batas. Sanhi ang mga ganitong kalakaran ng polusyon at baha,” ani Sotto

Ipinag-utos din ng alkalde na hanapin ang mga kawani ng CENRO na huling nagsagawa ng inspeksiyon sa establishment.

Para naman sa proyektong pabahay, pinatigil  na aniya ang paniningil ng multa sa mga in-city housing sites.

“ I have just ordered the city’s Housing Unit to STOP the practice of compounding monthly penalties in our in-city housing sites (including the BLISS housing).”

“Maraming nababaon sa utang dahil dito. Ilan taon nang ginagawa pero wala palang basehan na batas o ordinansa.”

“Mula ngayon, flat penalty na lang sa bawat buwang nahuli sa pagbayad. Dapat para sa mahihirap ang socialized housing. Tulungan natin sila at wag pahirapan”.

“Pinag-aaralan din ng Task Force ang pagbababa pa ng mga penalty at monthly payment,” dugtong pa ni Sotto.

Tiniyak din  ng alkalde na tatanggap ng gamot at iba pang medical supplies ang 42 barangay health centers sa lungsod na direktang ididiliber ng pamahalaang lungsod.

Nagkakahalaga ng P470.5 milyon  ang halagang inilaan para rito sa mga huling buwan ng   2019, at P772.7 milyon  sa 2020,  na mas malaking pondo kumpara sa inilaan ng nakalipas na pamunuan. ELMA MORALES

Comments are closed.