UNANG BATCH NG OFWs MULA IRAQ PAUWI NA

IRAQ

INAASAHANG darating ngayong  Linggo ang unang batch ng mga overseas Filipino worker (OFW) mula sa Iraq na ire-repatriate dahil pa rin sa nagpapatuloy na iringan ng bansang Iran at Estados Unidos.

Ayon kay Defense Spokesman Director Arsenio Andolong nananatiling nakaalerto sila dahil sa nakaamba pa ring panganib sa buhay ng libo-libong OFWs  matapos na itaas sa maximum ang security level sa bansang Kuwait simula Enero 9, 2020.

“We are closely monitoring Kuwait which just raised its security level to maximum on January 9, 2020. The Alert Level within an area covering a 100-km radius from and including Tripoli, Libya was raised to Level 4 (mandatory evacuation). Outside the said 100-km radius, it remains at Alert Level 2,” paliwanag pa ni Andolong kahapon.

Nabatid  na ang unang batch  na mare-repatriate ay nasa Philippine Embassy sa Baghdad na dadalhin muna sa Doha sa Qatar bago tutulak ng Maynila at sakay ng commercial flight.

Ayon pa kay Andolong, asahang madadagdagan pa ang bilang ng mga OFW na papara­ting sa bansa sa mga susunod na araw dahil sa patuloy na panawagan sa kanila na lumikas na hanggang hindi pa peligroso ang sitwasyon.

Patuloy rin umano ang panawagan ng embahada ng Filipinas sa naturang bansa sa mga OFW na nais nang umuwi rito sa Filipinas na makipag-ugnayan sa kanila.

Personal na pinangangasiwaan ni  Special Envoy to the Middle East at kasalukuyang Environment Secretary Roy Cimatu na ngayon ay nasa Qatar para ipatupad ang repatriation ng mga OFW.

Patuloy rin umanong ina-assess ni Cimatu ang sitwasyon ngayon sa Iran, Iraq at Libya at mga karatig na bansa sa Gitnang Silangan. VERLIN RUIZ

Comments are closed.