ni Riza Zuniga
Sa pagdiriwang ng ika-29 National Children’s Month, mahigit na 40 estudyante at 20 guro mula sa Bula National High School sa Camarines Sur ang nakadalo ng kauna-unahang Face-to-Face Workshops sa Theater Arts, Puppet-Making, Journalism at Painting mula ika-24 hanggang ika-26 ng Nobyembre 2021.
Kaisa ng Department of Education (DepEd) ang Council for the Welfare of Children (CWC) at iba pang ahensiya ng pamahalaan sa pagsasabuhay ng tema ngayong taon na “New Normal na Walang Iwanan:
Karapatan ng Bawat Bata Ating Tutukan.” (DepEd Memorandum No.075, s.2021)
Ito ang naging gabay para sa pagsasagawa ng 4-in-1 Art Workshops at pagsunod sa healthy protocols sa loob ng Senior High School Building. Kabilang din dito ang pagsusumite ng consent form na may lagda ng magulang para makadalo ng workshops.
Bagama’t may pinaghahandaang National Vaccination Day, nabanggit ni Gng. Fe F. Peralta, Principal ng Bula National High School na naghihintay pa ang eskuwelahan ng approval mula sa LGU at IATF kung matutuloy na ang face-to-face classes sa susunod na taon at kung mapapabilang bilang pilot school sa pagbubukas ng klase sa taong 2022.
May ilang kabataang may schedule na ng pagpapabakuna, matapos mabakunahan ay ipinagpatuloy pa rin ang pagdalo sa workshop. Maging ang mga gurong abala sa pagsasa-ayos ng mga modules, naglaan pa rin ng oras para sa workshop.
Ang mga resource speakers na sina June Dela Peña, Aloysius Gerardo Ogues, at Riza Zuñiga ay kasapi at aktibo dati sa Children’s Lab, Inc., isang organisasyon kaisa ng bansa sa pagtataguyod ng karapatan ng bata, mag-aaral man o out-of-school youth.
Naging kabahagi rin sa tatlong araw na workshop sina Bb. Nenita Bersabe, Head Teacher; Bb. Mariglen Rama at Bb. Annamae Balderama at ilang guro ng Bula National High School na nakatalaga sa iba’t ibang araw ng Workshop. Sa unang araw, mga guro ng English at Filipino Department; sa ikalawang araw, mga guro ng Science at Math Department; at sa ikatlong araw, mga guro sa TLE at AP Department.
Hindi lang mga estudyante ang nagpamalas ng galing, maging ang mga guro ay kasama sa pagpapalabas sa teatro, sa shadow puppetry, sa pagsusulat ng balita, lathalain, editorial, kartuning at pagpipinta. Ilan sa mga estudyanteng nagpakita ng husay ay sina Arvin Delmiguez, James Buquid, Hazel Folledo, Daryl Delgaco, Niko Rosales, at Maureen Mirabete.