UNANG GINTO ITINAKBO NI FRIAS SA ROTC GAMES LUZON NCR LEG

INDANG, Cavite — Inangkin ni Mary Rose Frias ang unang gold medal, habang tig-tatlong ginto ang nilangoy nina Kirk Dominique Reyes at Janelle Kyla Chua sa 2nd Philippine Reserve Officers Training Corps (ROTC) Games Luzon NCR Leg kahapon.

Sa Cavite State University (CvSU), itinakbo ni Frias ng Virgen Milagrosa University Foundation ang ginto nang magtala ng 5:07.2 sa women’s 1,500-meter run para talunin ang teammate na si Mary Ann Delos Reyes (5:30.3) at si Jeralyn Madamecilla ng Maritime Academy of Asia and the Pacific (6:19.0) sa Philippine Navy bracket.

Noong Linggo lamang dumating sa Indang ang 19-anyos na second year Business Administration student matapos humablot ng dalawang ginto sa 2024 National PRISAA Games sa Legazpi City, Albay.

“Last July 28 lang po ako dumating dito after po sa National PRISAA Games sa Legazpi kasi hindi ko po alam kung tuloy dahil nga may bagyo (Carina),” sabi ni Frias.

Sa De La Salle University-Dasmarinas swimming pool, tig-tatlong gold medal ang nilangoy nina Reyes at Chua sa Navy unit ng ROTC Games na konsepto ni Sen. Francis Tolentino, katuwang ang Department of National Defense, Commissioner on Higher Education at Philippine Sports Commission.

Wagi si Reyes sa boys’ 200m Individual Medley, 200m breaststroke at 50m butterfly, habang panalo si Chua sa girls’ 100m freestyle, 50m butterfly at 50m backstroke.

May tig-dadalawang gold sina Army cadets Alvin Marticion (boys’ 200m IM at 50m butterfly), Mitzie Llegunas (girls’ 200m IM at 50m backstroke) at Grazieli Burgoz (girls’ 100m freestyle at 50m butterfly).

May tig-dalawang ginto rin sa Air Force sina Lyann Joyce Rodelas (girls’ 200m IM at 50m butterfly) at Keannashaira Milar (girls’ 100m freestyle at 50m backstroke).

Sa athletics, nagwagi sa Air Force sina Jean Claire Agawin ng Fullbright College (6:56.5) at si Angeline Platilla ng Central Bicol State University of Agriculture (5:48.2) sa Army sa women’s 1,500m.
Sa women’s long jump, tumalon si Macailla Jane Requierme ng RizalTechnological University-Boni ng 5.33 meters para kunin ang gold sa Army.

Sina Clarissa Pineda ng Westmead International (3.85m) at Nikka AnnMagdato ng Fullbright College (3.98m) ang nanalo ng gold sa Navy at Air Force, ayon sa pagkakasunod.

Sa men’s 1,500m run, naghari si Zhedrac Dave Fagsao (4:39.4) ng Mountain Province State Polytechnic College sa Army; si Edu Garibay(4:25.4) ng Virgen Milagrosa University Foundation sa Navy; at Ronnel
Gonzales (4:30.4) ng Kolehiyo ng Lungsod ng Lipa sa Air Force.

Panalo sa women’s table tennis singles si Christine Jen Atienza ng Kolehiyo ng Lungsod ng Lipa sa Air Force unit. CLYDE MARIANO