UNANG GINTO NASIKWAT NI GOMOBOS SA ATHLETICS

SINIKWAT ni Christine Talin Gomobos ng Jose Rizal Memorial State University ang unang gold medal matapos manalo sa women’s 200m ng 1st Philippine Reserve Officers’ Training Corps Games (PRG) 2023 – Mindanao Leg athletics competition na ginanap sa Joaquin F. Enriquez Memorial Sports Complex kahapon.

Ipinakita ng 20-anyos na si Gomobos ang kanyang bilis sa arangkadahan para makuha agad ang unahan at makuha ang inaasam na gintong medalya na nasabing event matapos irehistro ang 28.2 segundo.

Sinandalan ni Punta Blanca, Manukan, Zamboanga Del Norte native Gomobos ang pagiging atleta at naging masaya ito sa kanyang tagumpay sa event na sinalihan ng ROTC cadets at units mula sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad.

Dumating na segundo si Jessa Corpus ng Tangub, na naitala ang 29.0 segundo ,sapat para ikuwintas ang silver medal habang bronze ang ka-kuwadrang si Ronalyn Suson.

Samantala, inihataw agad ng Davao De Oro State College (DDOSC) ang unang panalo konrta University of Mindanao Davao (UMD), 25-17, 25-14, 25-22, sa women’s volleyball event na nilaro sa ZPPSU Gym sa Zamboanga.

Walang naging problema sa naging laro ng DDOSC kaya naman madali nilang dinispatsa ang UMD.

Ayon kay DDOSC head coach Donita Rose Baldoz, kahit mabilis nilang tinalo ang kanilang kalaban ay marami pa silang dapat ayusin sa kanilang plays upang magamit nila sa susunod nilang laban. “Maaga pa may makakalaban pa kaming mas malakas na teams kaya dapat pag-aralan namin ‘yung mga pagkakamali namin at mapaghandaan ang sunod naming laro,” sabi ni Baldoz.

Dahil sa panalo, nahawakan agad ng DDOSC spikers ang top spot tangan ang 1-0 kartada habang nalasap ng UMD netters ang unang kabiguan. Bukod sa volleyball at athletics, ang ibang sports na pinaglalabanan ay ang kickboxing, arnis, boxing, e-sports at basketball.