PHNOM PENH — Nakopo ni jiu jitsu fighter Jenna Kaila Napolis ang unang gold medal ng Pilipinas sa 32nd Southeast Asian Games makaraang madominahan ang women’s ne-waza GI 52 kgs sa Chroy Changvar Convention Center dito nitong Huwebes.
Winalis ni 25-year-old Napolis ang lahat ng kanyang apat na asignatura, kabilang ang final match laban kay hometown bet Jessa Khan, 2-0, sa harap ng nagulantang na crowd.
“It was surreal. I still couldn’t believe I won,” sabi ni Napolis.
Naiganti ni Napolis ang kanyang pagkatalo sa gold medal round sa parehong kalaban sa 49 kgs sa 2019 edition sa Manila.
“I really wanted to win against her this time,” aniya.
Sinimulan ni Napolis ang kanyang kampanya sa pamamagitan ng 50-0 panalo kontra Singapore’s May Yong The, pagkatapos ay pinataob sina Thailand’s Nuchanat Singchalad, 3-0; at Vietnam’s Thi Huyen Dang, 50-0.
Samantala, natalo ang men’s duo nina Karl at Harvey Navarro sa kanilang laban kina Thailand’s Nawin Kokaew at Panuawat Deeyatam, 68-63.5; Cambodia’s Kongmona Mithora at Touch Pikada, 66-59; at Vietnam’s Dinh Khai Ma at Ke Duong Trinh, 64-59.
Gayunman ay naiuwi ng mga Navarro ang bronze medal, kasama ang Vietnamese.
Nakopo rin nina Dianne Ruado Bargo at Isabela Dominique Montaña ang bronze medal sa women contest makaraang umiskor ng 40.00 sa likod nina eventual gold medalist Kunsatri Kumsroi at Suphawadee Kaeosrasaen (48.000) ng Thailand at Heng Seavheang at Tin Sovanlina (42.5000) ng Cambodia.
CLYDE MARIANO