UNANG GINTO SA ATHLETICS KAY DE LIMA

Leslie de Lima

ILAGAN, Isabela – Inangkin ni Leslie de Lima ng Camarines Sur ang unang ginto sa athletics sa pagwawagi sa girls 1,500m run sa ginaganap na Batang Pinoy Luzon leg sa City of Ilagan Sports Complex dito.

Naitala ng 14-anyos na estudyante mula sa Baoo National High School  ang  mabilis na 4:51.5 minuto para biguin sina Magvrylle Chrause Matchino ng Laguna Province na naorasan ng 5:02.6 minuto at Samantha Nicole Cañeba ng Taguig City na may 5:02.9 minuto.

Hindi naging mahirap para kay De Lima ang kunin ang ginto dahil walang malakas na kalaban na sumabay sa kanya.

“Alam ko mahihirapan ako dahil malakas ang mga kalaban na ngayon ko lang makakaharap. Mabuti naman at kabaligtaran ang nangyari,”  sabi ni De Lima.

Puntirya ni De Lima na kunin ang 800m at 3k para sa  perfect 3-for-3 na ipinangako niya sa kanyang sarili.

Nagwagi naman sa boys 1,500m run si Hussein Loraña ng Baguio City sa oras na 4:27.1 minuto kontra kina James Bryle Ballester ng Laguna, (4:30.2s) at Mark Daniel Tambot ng Ilagan City (4:31.9s).

Itinanghal sina Angelo Munoz at Erica Marie Ruto bilang ‘prince’ at ‘princess’ ng century dash, habang sumisid sina swimming wonders Filipino-Iranian Micaela Jasmine Mojdeh, Aubrey Tom, at Mark Bryan Dula ng tig-aapat na ginto.

Naorasan ang taga-Pangsinan na si Munoz ng 11.06 seconds,  mas mabagal sa Philippine record sa boys na 10.74 na naitala ni Daniel Noval sa Bangkok, Thailand noong 2012, habang kinuha ng taga-Calamba, Laguna na si Ruto ang ginto sa bilis na 12.6 seconds, mas mabagal sa 12.05 seconds na SEA Youth record ni Veronica Shanti Pereira ng Singapore na ginawa sa Ho  Chi Minh City sa Vietnam noong 2013.

Nagkampeon naman sa boys discus throw si Ron Gabriel Villa ng Dasmariñas City sa inihagis nito na 35.24m upang maungusan ang kakampi na si Con Prince David na nagkasya sa 33.30m na naibato, at si Kurt Errol Calalong ng Baguio City sa 30.33 metro.

Iniuwi naman ng Taguig City ang siyam na gintong medalya sa Karatedo Martes ng gabi para umakyat sa ikalawa sa nag-tatanggol na Luzon leg at National champion na Baguio City na muling inokuhapan ang liderato sa ikatlong araw ng ginaganap na 2019 Philippine National Youth Games – Batang Pinoy Luzon Qualifying Leg.

Samantala, hinab­lot nina Alekssa Mei Pareha (12-13 girls intermediate kata), Keanu Neil Rodriguez (12-13 boys intermediate kata), Rochelle Dano (14-15 girls intermediate kata), Allysa Eunice Dinaglason (10-11 girls advance kata) at Fatima Aisha Hamsain (12-13 girls advance kata) ang unang limang ginto para Taguig.

Hindi naman nagpaiwan sina Ner Brian Galupo (12-13 boys advance kata), Drew Kirstein Tigalo (14-15 girls advance kata) at ang trio nina Alekssa Mei Pareha, Fatima ­Aisha Hamsain at Christina Karen Colonia (12-15 girls team kata) at Eljhon Lauresta, Ferdinand Forters, John Clyde Cubic sa (12-15 boys team kata) para sa dagdag  na apat. CLYDE MARIANO

Comments are closed.