UNANG GINTO SA ILAGAN CITY JIN

Eljay Marco Vista

ILAGAN CITY – Inangkin ng host Ilagan City ang pinakaunang gintong medalya sa pagwawagi sa cadet male poomsae individual event sa pagsisimula ng aksiyon sa 2019 Philippine National Youth Games-Batang Pinoy Luzon Qualifying leg kahapon ng umaga sa San Felipe National High School dito.

Naitala ng 12-anyos na si Eljay Marco Vista ang kabuuang iskor na 7.670 sa disiplina para sa 13-and-below upang agad na ipadama ang pagnanais ng host city na tanghalin sa kauna-unahang pagkakataon bilang overall champion ng torneo.

Buo ang loob at inspiradong manalo sa una niyang paglahok sa torneo na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC), pinahanga  ni Vista ang mga judge sa kanyang grace at perfect execution upang talunin si Kacey Canlas ng Olongapo na nagkasya sa pilak sa 7.600, habang nagsalo sina Weily Canao ng Baguio City at Jaymes Diaz ng Dasmariñas sa tanso sa 7.464.

“Hindi po madali kasi may nakalaban po ako na naka-gold sa Palarong Pambansa, kaya hindi muna ako nag-expect na maka-gold. Taga-Olongapo po siya kaya tinatagan ko lang po ang loob ko at inilabas ko ang lahat ng makakaya ko para manalo,” sabi ng Grade 6 pupil mula sa Ilagan South Central School.

“Na-inspire po ako sa isang miyembro ng national team na nagpunta sa region namin at siya ang nagtuturo sa akin ngayon na si Ernesto Guzman Jr. Gusto ko po siyang tularan na maging miyembro ng national team,” sabi pa ni Vista.

Hindi naman nagpadaig sina Ian Matthew Corton ng dating kampeon na Quezon City at Aesha Kiara Oglayon mula sa nagtatanggol na kampeon na Baguio City sa pagwawagi ng gintong medalya sa poomsae junior boys at cadet girls, ayon sa pagkakasunod.

Umiskor si Corton ng kabuung 8.105 upang gapiin si King Nash Alcairo ng Quezon Province na may 8.04 para sa pilak at sina Emmanuel Christopher Austria ng Naga City na may 7.95 puntos at Carl John Viloria ng Alicia, Isabela na may 7.88 para sa tanso.

Nagtala naman si Oglayon ng 7.82 para maungusan si Khyla Kreanzzel Guinto ng Baguio na may 7.765 puntos at ang kapwa nag-uwi ng tanso na sina Antonette Medallada ng Parañaque na may 7.65 at Princess Mariano mula sa Pangasinan na may 7.635.

Sa beach volleyball boys, nagtala ang Olongapo ng double victories makaraang talunin ang host Ilagan, 2-0, (21-5, 21-4) at pi-nayuko ang Angeles, 2-0, (22-20, 26-24) sa girls. Nagwagi rin ang Pangasinan kontra Mandaluyong, 2-0, (21-18, 21-15) sa boys at pinadapa ng Tanauan ang Ilagan ,2-0, ( 21-16,21-10) sa girls.

Lalaruin ang swimming ngayong araw kung saan nakataya ang 14 na gintong medalya. CLYDE MARIANO