UNANG GINTO SA PALARO HINABLOT NG CEBU RUNNER

Asia Paraase. Photo by PSC Media Pool

NADOMINAHAN ni Asia Paraase ng Region 7 (Central Visayas) ang secondary girls 3,000 meters event upang kunin ang unang  gold medal sa Palarong Pambansa nitong Huwebes.

Naorasan ang 17-year-old runner mula sa Lapu-Lapu City ng 10:27.36 sa athletics competition na idinaos sa Cebu City Sports track and field stadium.

Nakopo ni Chrishia Ma Tajarros ng Region 8 (Eastern Visayas) ang silver medal sa oras na 10:39.72, habang nagkasya si Mary Jane Pagayon ng Region 11 (Davao) sa bronze medal sa oras na 10.52.72.

“Masaya po ako kasi pride na rin po ito ng Central Visayas. Payback na rin po para sa preparation nila. Masaya rin po kasi hindi lang din po kasi ito para sa akin kundi pati na rin po sa teammates ko,” sabi ni Paraase ng Pajo National High School.

“Dine-dedicate ko po ito sa sarili ko. Ang dami pong challenges na hinarap, nawawalan na rin po ako ng hope sa sarili ko. Ang saya ko po dahil nagawan ko ng paraan para hindi ako kainin ng kaba at takot,” dagdag pa niya.

Umeksena rin si Jayne Kirt Cantor ng Region 3 (Central Luzon), na nagtala ng bagong tournament record sa boys elementary long jump event.

Nagtala siya ng 6.14 meters upang burahin ang 6.04m na nairehistro ni Jeremie Tamles ng Region 11 (Davao Region) sa 2002 edition ng Palaro sa Naga City, Camarines Sur.

“Hindi ko po talaga ito inaasahan,” ani Cantor, na naitala ang bagong record sa kanyang ikalawang pagtatangka.

Ang Grade 6 student mula sa Caanawan Elementary School sa San Jose City, Nueva Ecija ay lumipat sa long jump mula triple jump ngayon lamang taon.

Ang silver medal ay napunta kay Khrispher Kyle Ngirngir ng Region 6 (Western Visayas), na nagposte ng 5.63m, habang nakopo ni Ace Francis Bacongallo ng Region 7 ang  bronze medal sa 5.59m.

Sa boys secondary long jump, nasikwat ni Sam Kenjie Bantillo ng Region 6 (Western Visayas) ang gold medal sa 7.09m, habang kinuha nina John Patrick Patricio (7.04m) at  Markson Astrero (6.85m) ng Region 3 ang silver at bronze medals, ayon sa pagkakasunod.

Sa discus throw, nadominahan ni Courtney Trangia ng Region 5 (Bicol Region) ang girls secondary category sa 39.47m. Pumangalawa si Christine Diaz ng Region 6 sa 36.41m habang pumangatlo si Heart Duarte na may 35.61m.

Inangkin naman ni Ariana Dawn Rabi of Region 1 (Ilocos) ang gold medal sa girls elementary category sa nairehistrong 31.21m.

Napunta kay Precious Rhoevie Andres ng Region 2 (Cagayan Valley) ang silver medal sa 31.14m, habang nakopo ni Sam Garcia ng Region 4-A (Calabarzon) ang bronze medal sa 28.76m.

CLYDE MARIANO