UNANG GINTO SA PINAS

CAMINONG

KUALA LUMPUR, Malaysia – Ipinagkaloob ni Evangelene Caminong ang ­unang medalyang ginto sa Team Philippines nang madominahan ang girls high jump event sa 2018 ASEAN Schools Games nitong Sabado sa Mini Stadiun sa Bukit Jalil.

Naitala ng 17-anyos mula sa San Vicente, Palawan ang taas na 1.74 meters para pataubin si Prangthip Chitkhokkruad ng Thailand (1.72m) at ang kasanggang si Alexie Mae Caimoso (1.69m).

Binura rin ni Caminong ang personal best na 1.71 meters.

“Hindi po ako makapaniwala. Sobrang saya ko po,” wika ni Caminong.

Impresibo ang pagtaas ng performance ni Caminong na ginapi ni Caimoso sa secondary event sa 2018 Palarong Pambansa nitong Abril sa Vigan City, Ilocos Sur.

Bilang bagito sa international competition, iginiit ni Caminong na sapat na sa kanya ang mapabilang sa Philippine delegation at ang pagwawagi ay maituturing na bonus para sa mga taong nagtititiwala sa kanyang kakayahan.

“At first, I wasn’t pressured to win. But I don’t know as the competition came I felt it was my obligation to do my best,” sabi pa niya.

Ayon sa Grade 12 student ng Nazareth School of National University, sumailalim siya sa matinding pagsasanay matapos ang Palaro, sa pa­ngangasiwa ni coach Fernando Dagasdas sa  PhilSports sa Pasig City.

“I hope this win serves an inspiration to my fellow Pinoy athletes to strive their best in their games,” sambit ni Caminong.

Ipinahatid din niya ang pasasalamat sa suportang ibinigay nina Cong. Jenny Barzaga at Dasmariñas City Mayor Elpidio Barzaga.

Target niyang madugtungan ang kasiyahan ng delegasyon sa kanyang pagsabak sa 100m hurdles sa Martes.

Kabilang sa mga opisyal na nag-cheer sa delegasyon ay sina Education Undersecretary Tonisito Umali at Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Charles Raymond Maxey.

Nakopo naman ni Riza Mae Valiente ang silver medal sa 400m girls event sa bilis na 61.51 segundo, sa likod ni gold medalist Bui Thi Trang ng Vietnam. Pangatlo si Arisa Weruwanarak ng Thailand (63.13).

Sumampa rin sa podium si Mindanaoan runner Camila Tubiano matapos pumangatlo sa 3,000-meter run sa oras na 10 minuto at 49.30 segundo, kasunod nina Luu Thi Thu ng Vietnam (10:18.09) at Lwee Zar ng Myanmar (10:47.25).