UNANG KARANASAN

USAPING BABAE

NANG mag-21 taong gulang ang aking panganay na lalaki, suportado ko ang kanyang mga tiyuhin na bigyan siya ng ‘karanasan’. Subalit laking gulat namin na inunahan niya kami sa aming maitim na balak. Ang tanging bilin ko  sa kanya ay dapat lagi siyang may proteksiyon at tiniyak niya naman sa amin ito.

Ang buong akala ko ay sapat na ang pagkakaroon ng unang karanasan. Hindi ko napaghandaan ang mas matingkad pang curiosity na bunsod ng bagong karanasang ito. I­lang linggo lamang ay may tinatawag na siyang f—- buddy na nakilala niya sa isang dating app.

Na-imagine ninyo na siguro ‘yung panic ko sa pangyayaring ito. Gustuhin ko mang maging cool at liberal tungkol sa ganitong setup, sadyang nananaig ang konserbatibong pagpapalaki sa akin. Sa kabila ng pagsang-ayon na bilang isang lalaki (alam ko chauvinist ang pananaw na ito) ay kaila­ngan niyang magkaroon ng karanasan, mahalaga para sa akin ang sex o mas gusto kong tawaging lovemaking. Naniniwala pa rin ako na may kasamang damdamin ang bawat pakikipagtalik.

Para sa akin, hindi lang tawag ng laman ang pakikipagtalik kundi pagpapatibay ito ng isang relasyon. Ito ang langis na lalong nagpapainit ng apoy sa pagitan ng dalawang taong nagmamahalan. Para sa akin, ang bawat pagniniig ay pangako ng pag-ibig sa ating kabiyak.

Kaya hindi ko maintindihan ang konsepto ng casual sex. Gayunpaman, higit akong ginulat ng anak ko nang sabihan niya ko na bilhan ko siya ng morning after pills kung gusto kong makatiyak na hindi siya muna makabubuntis at gawin akong isang lola. Gumagamit naman daw sila ng condom pero puwedeng panigurado ang pills na ito. Ni hindi ko alam na may ganito na palang contraceptive ngayon!

Kaya isinangguni ko sa isang Ob-Gyne kung ano ba itong pildoras na ito at kinumpira niya na mayroon na ngang ganoong contraceptive na puwedeng inumin ng babae hanggang 72 oras matapos ang pakikipagtalik upang maiwasan ang pagbubuntis.

Pambihira talaga ang mga kabataan ngayon…pero kung tutuusin, hindi na bata ang aking anak. Puwede na nga siyang maging ama (pero wag muna). Dalawang taon na lang at nasa parehong edad na kami nu’ng nagbuntis ako sa aking panganay.

Ayon nga sa isang pag-aaral, medyo huli na siya nagkaroon ng karanasan. Ang karaniwang edad na nagkakaroon ng u­nang ka-ranasan ay mga 16 hanggang 19 taong gulang. Pero sinabi rin sa parehong pag-aaral na ang mga huling nagkaroon ng karanasan ay higit na nagiging responsable sa kanilang kinabukasan at nagkakaroon ng matibay na pangmatagalang relasyon.

Ganito na lang siguro ang iisipin ko. Matanda na ang anak ko at mas alam na niya ang ginagawa niya. Bilang magulang, ang mahalaga lang naman daw ay bukas ang komunikasyon na siyang kusang nagpapabuti sa mga desisyong ginagawa ng mga anak.

P.S. Paumanhin po sa matagal kong pagliban sa kolum na ito. Maraming pagbabagong nangyari sa aking buhay kaya naging abala po nang kaunti. Subalit unti-unti nang umaayos ang lahat kaya balik-pagsusulat na ako. Tuloy ang kuwentuhan natin tuwing Miyerkoles!

Comments are closed.