(Unang kaso ng nCoV sa Pinas) CHINESE NATIONAL NAKALABAS NA

Eric Domingo

NAKALABAS na ng pagamutan ang 38-anyos na babaeng Chinese national na itinuturing na ng Department of Health (DOH) na first confirmed case ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019-nCoV-ARD) sa bansa.

Ayon kay Health Undersecretary at Spokesperson Eric Domingo, nitong Sabado ay pina­yagan nang makalabas ng pagamutan ang dayuhan matapos na dalawang ulit nang nag-negatibo sa virus ang isinagawang pagsusuri sa kanya.

“The patient was discharged on Saturday, I believe. Because the last test done on Thursday or Friday turned out negative and that was the second negative test,” ani Domingo, sa isang pulong balitaan nitong Lunes ng hapon.

Nabatid na unang nagnegatibo sa virus ang pasyente noong Pebrero 6.

Mula   sa Wuhan City, Hubei, China ang pasyente at  dumating sa bansa noong Enero 21, via Hong Kong, kasama ang kanyang nobyong isang 44-anyos na Chinese national.

Nagtungo ang da­lawa sa Cebu at Duma­guete at nagpa-admit sa pagamutan matapos na makaramdam ng mga sintomas ng sakit at malaunan ay kapwa nagpositibo sa nCoV.

Ang kanyang nobyo naman na itinuturing na ikalawang confirmed nCoV case sa bansa ay binawian na ng buhay.

Kamakailan lamang nailibing na ang bangkay nito, matapos na tanggihang i-cremate ng crematories.

Bukod sa dalawang Chinese nationals, isa pang 60-taong gulang na Chinese woman ang nagpositibo rin sa nCoV, ngunit gumaling at nakabalik na sa China, matapos na bumiyahe sa Cebu at Bohol.

Kaugnay nito, kinumpirma ng DOH na nakumpleto na nila ang contact tracing sa unang dalawang confirmed cases ng nCoV.

Kabuuang 441 contacts umano sa mga ito ang natukoy nila, ngunit wala naman nang iba pang tinukoy na development hinggil dito.

Nasa 224 contacts naman umano para sa ikatlong confirmed nCoV case ang natukoy ng DOH.

Sa kabilang dako, iniulat ng DOH na  hanggang 12:00 ng tanghali ng Pebrero 10 ay nasa 262 katao na ang itinuturing nilang patients under investigation (PUIs) at karamihan umano sa mga kasong ito ay mula sa National Capital Region (NCR).

Ang Central Visayas naman ang isa sa mga rehiyon na may pinakamaraming bilang ng PUIs, dahil ang tatlong kumpirmadong kaso ng nCoV ay doon bumiyahe.ANA ROSARIO HERNANDEZ

UMIWAS SA MATATAONG LUGAR–DOH

Sa gitna ng banta ng pagkalat ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019-nCoV-ARD) sa bansa, pinaiiwas muna ng Department of Health (DOH) ang publiko mula sa matataong lugar, gayundin sa pagdalo sa mga public events at malalaking pagtitipon, na inaasahang dadaluhan ng maraming tao.

Naglabas kahapon ang DOH ng isang paabiso na pirmado ni Health Secretary Francisco Duque III at isinapubliko nitong Lunes.

Sa naturang advisory, pinayuhan ng DOH ang publiko laban sa pag-organisa ng malalaking pagtitipon at inirekomenda ang pagkansela sa mga nai-plano nang events o mass gatherings.

“With the ongoing threat of the spread of the 2019 novel Coronavirus (2019-nCoV-ARD), the Department of Health strongly urges the public to avoid attending, participating in, ang organizing events that draw a huge number of attendees,” nakasaad sa advisory.

“The DOH likewise recommends the cancellation of such planned big events or mass gathering until further advice,” anito pa.

Paalala pa ng DOH sa publiko, na kung maaari ay umiwas na rin sa matataong lugar at ipagpatuloy ang pagprotekta sa kanilang sarili upang hindi dapuan ng virus.

Nagtayo na ang DOH  ng Command Center na tututok lamang sa pagkalat ng 2019-nCoV ARD para sa mabilis na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensiya ng pamahalaan, na sangkot sa response at management efforts.

Samantala, sa isa pang health advisory, nagpalabas naman ng ilang paalala sa publiko hinggil sa paggamit ng masks, sa gitna ng 2019-nCoV-ARD threat.

Sa naturang paabiso, pinaalalahanan ng DOH ang publiko na magkaroon ng ‘judicious’ o matalinong pagpapasya sa paggamit ng masks upang maiwasan ang kakulangan ng surgical masks at N95 masks.

“The public is enjoined to judiciously use masks to prevent the shortage of surgical masks and N95 masks,” anang DOH.

Ayon sa DOH, ang mga taong nasa maayos naman ang kondisyon ay hindi na kinakailangan pang gumamit ng face masks.

Inirerekomenda rin lamang umano ng DOH ang paggamit ng face masks para sa mga taong nag-aalaga sa mga taong may sakit; mga taong may respiratory infection o sintomas ng pag-ubo, sipon, pagbabahing o bahagyang lagnat, at mga healthcare at iba pang frontline workers gaya ng mga taga-Bureau of Immigration at Philippine National Police. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.