UNANG OUTLET NG HAIDILAO SA PH BUBUKSAN NA

BUBUKSAN na ng Chinese hotpot chain giant Hai Di Lao International Holdings Ltd. (Haidilao) ang unang outlet nito sa Pilipinas sa susunod na buwan, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).

Sa isang statement, sinabi ng DTI na nagsagawa ang Philippine Trade and Investment Center in Hong Kong (PTIC-HK) at ang Board of Investments (BOI) ng online meeting sa mga opisyal ng Haidilao noong Abril 20 para talakayin ang mga detalye ng kanilang operasyon sa bansa.

Ayon sa DTI, inasistihan ng PTIC-HK ang Haidilao sa kanilang planong magtayo ng shop sa Pilipinas noon pang first half ng 2020.

Tumulong din ang PTIC-HK at ang Philippine Trade and Investment Center in Guangzhou (PTIC-Guangzhou) sa pagpapadala ng Haidilao team para sa pagbubukas ng unang shop sa bansa.

Inaasahang tuloy-tuloy na magbubukas ng mga bagong sangay ang Haidilao ngayong taon na lilikha ng 400 trabaho.

“The intention of Haidilao is to present a superior dining experience and offer quality food for Filipinos at a reasonable price. In addition, Haidilao intends to fuse the Filipino taste into its menu and integrate Filipino core values in its service,” ayon sa DTI.

Ang Hai Di Lao ay itinatag sa Sichuan province ng China noong 1994 at naging isang world-renowned catering enterprise sa nakalipas na  28 taon.

Sa kasalukuyan, ang  Haidilao ay nagmamay-ari ng 1,000 restaurants sa China, Hong Kong, Macau, Singapore, Malaysia, Taiwan, Australia, United States,  United Kingdom, Canada, Thailand, Indonesia, South Korea, at Japan.

“The company not only provides food and beverage service, but also captivates customers with its exceptional services like complimentary manicure for waiting guests, noodle acrobat, and ­others,” dagdag ng DTI.