SOIL EROSION SA BAGUIO CITY, 33 KATAO INILIKAS

Soil Erosion

BENGUET – UMABOT sa 33 katao ang inilikas sa kani-kanilang mga tahanan sa Baguio City bunsod ng pag-ulan dulot ng Habagat.

Ayon sa City Di­saster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) umabot sa 11 pamilya ang inilikas dahil ang kanilang bahay ay naapektuhan ng soil erosion.

Simula noong Agos­to 4 hanggang kahapon,  nasa 39 na indibiduwal ang nailigtas at napagkalooban ng medical assistance makaraang makaranas ng pagkahilo, accidental road slip, nahulog sa manhole, at iba pang emergency health situation.

Nakapagtala rin ang CDRRMO ng 15 motor at vehicular accidents, 16 na puno na bumagsak dahil sa malakas na hangin, 12 insidente ng soil erosion at dalawang streetlights na bumagsak.

Marami ring kalsada na patungo ng Baguio City ang sarado kabilang ang Kennon Road (closed, motorist are advised to take Marcos Highway); Governor Pack Road near BGH Rotunda (closed to traffic due to scoured and hanging footing of arc);  Tawang-Ambiong Road, La Trinidad (closed to traffic due to road cut); at Longlong, La Trinidad (closed to traffic due to landslide).

Nananatiling nakataas ang Blue Alert Status sa CDRRMO ng Baguio City.

Samantala, naitala ang unang flashflood sa Davao City at sa ulat, binaha ang halos buong Pob­lacion Pantukan sa Compostela Valley kahapon ng umaga.

Inihayag ng mga residente ng Pantukan, ito ang pinakaunang pagbaha na kanilang naranasan na hindi nila inaasahan sa loob ng maraming dekada partikular na sa Poblacion area.

Sa mga larawan, rumagasa ang malakas na daloy ng tubig-baha sa national highways simula alas-3:00 ng madaling araw na nagresulta rin sa hanggang tuhod na baha sa Pantukan Overland Transport Terminal.

Ayon sa Office of Civil Defense-11, ang localized thunderstorm na nakaapekto sa Barangay Kingking, Pantukan bandang alas-11:30 ng gabi, ang siyang dahilan ng matinding baha.

Apektado nang humupang flashfloods matapos ang halos pitong oras ang maraming mga business establishments sa lugar. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.