Mga laro bukas:
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. – Blackwater vs Rain or Shine
7 p.m. – Meralco vs Phoenix
SA WAKAS ay nakaahon ang Blackwater sa malalim na hukay at pinutol ang pitong sunod na pagkatalo nang maungusan ang pinapaborang Magnolia, 86-84, sa PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Araneta Coliseum.
Nagsilbing bayani ng Elite ang import na si William Henry Walker na umiskor ng dunk matapos sumablay ang tres ni Rome de la Rosa at iposte ang unang panalo ng koponan sa walong asignatura.
Gumawa si Walker ng 11 points at ang kanyang dunk ang naging tuntungan ng Elite para maitakas ang panalo sa tuwa ni coach Bong Ramos.
“I had no more time and I hurried dunk the ball,” sabi ni Walker na naglaro sa Miami Heat sa NBA.
Ayon kay coach Ramos, ang final play ay talagang naka-design kay Walker.
“The final play was really designed for Walker and it’s pretty good he did it,” sabi ni Ramos, nag-coach sa Indonesia ng pitong taon bago naging mentor sa PBA kapalit ni Leo Isaac.
Lamang ang Magnolia sa 84-80 sa jump shot ni Mark Barroca, may isang minuto ang nalalabi.
Dinomina ng Magnolia ang unang dalawang quarters, 27-19 at 48-40. Subalit biglang nanlamig ang Hotshots at nabigong pangalagaan ang kalamangan.
Limang Blackwater players ang umiskor ng double figures, sa pangunguna ni John Paul Erram na tumipa ng 19 points sa 8 of 10 mula sa floor at 15 rebounds at dalawang assists.
Nagtala si Curtis Kelly ng 11 points subalit bokya sa third quarter at apat na puntos lang ang ginawa sa fourth quarter sa lungkot ni coach Chito Victolero
”We failed to sustain the momentum in the second half. We made poor shots selection and committed numerous lapses,” sabi ni Victolero.
Umiskor si Mark Barroca ng 14 points ngunit ang mga kamador ng Magnolia tulad nina Jio Jalalon, Paul Lee, Justin Melton, Rafi Reavis at Aldrich Ramos ay malamya ang laro na naging dahilan ng pagkatalo ng Magnolia na bumagsak sa 3-3 kartada. CLYDE MARIANO
Iskor:
Blackwater (86) – Erram 19, Maliksi 16, DiGregorio 11, Walker 11, Sumang 8, Zamar 8, Pinto 6, Al-Hussaini 5, Belo 2, Sena 0, Jose 0, Palma 0.
Magnolia (84) – Barroca 16, Simon 12, Kelly 12, Reavis 11, Jalalon 8, Brondial 7, Melton 6, Dela Rosa 5, Lee 3, Herndon 2, Pascual 2, Ramos 0.
QS: 19-27, 40-48, 69-61, 86-84.
Comments are closed.