MULA sa kaliwa ay sina Mark Orendain, Hadley Mariano, at Chino Trinidad.
NAKATAKDANG ilunsad ng Philippine billiards ang kauna-unahang professional pool league ngayong taon.
Apat na koponan na kakatawan sa major islands ng bansa — Luzon, Visayas, at Mindanao — ang bubuo sa initial cast na sasabak sa inaugural Sharks Billiards Association.
Ilan sa pinakamahuhusay na players at rising stars ng sport ang bubuo sa pioneering teams, ayon kay Chief Executive Officer at founder Hadley Mariano, na sinamahan nina Chief Operating Officer Mark Orendain, at Commissioner Chino Trinidad sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum noong Martes sa Rizal Memorial Sports Complex.
“‘Di ba ang hinihingi natin is a regionalistic flavor, so sabi ko ibigay na natin ‘yan sa tatlong regions natin Luzon, Visayas, and Mindanao,” pahayag ni Trinidad sa weekly session na itinataguyod ng San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, MILO, Smart/PLDT at Arena Plus, ang nangungunang sports entertainment gateway sa bansa.
Ang ika-4 na koponan ay nakareserba sa tinatawag ni Trinidad na ‘epicenter of billiards’ sa bansa.
“Pag-uusapan pa namin kung ito ba ang sentro ng bilyar dito sa atin. Itong NCR ba o ang Pampanga ba? Kasi kahit saan ka magpunta, may nagbi-bilyar. Pero ano ang acknowledged na epicenter, is it Manila or is it somewhere in Pampanga na birthplace ni Efren ‘Bata’ Reyes,” wika ng dating broadcaster at commissioner ng defunct Philippine Basketball League.
Magsasagawa ng draft pool bago ang pagbubukas ng torneo, subalit tumanggi si Mariano na pangalanan ang mga player na nangakong maglalaro sa torneo.
“Marami akong nakikitang players na magaling pero hindi nabibigyan ng pagkakataon. So itong mga player na ito, gusto ko silang unahin kasi wala silang sponsor, wala silang manager, hindi makasali sa mga tournament,” aniya. “So the league will start with players na hindi nakakalabas ng bansa. Pero definitely, these are top players (in the country).”
Ang lahat ng players ay magkakaroon ng suweldo at kontrata, at sasailalim sa professional training.
Sa simula, limang players ang bubuo sa bawat koponan, bago ito gawing anim at walo sa mga susunod na season.
Ang tournament format ay maghaharap ang dalawang koponan sa loob ng isang linggo at tatampukan ng kumpetisyon sa singles, doubles, at 5-on-5, na may kaukulang point system.
Ang unang season ay tatakbo ng tatlong buwan.
“We’re targeting to start, roughly by August. Pero who knows, baka mas maaga pa tayong makapagsimula, e di mas masaya,” sabi ni Mariano, anak ni of long-time billiards patron Perry Mariano.
Idinagdag ni Trinidad na, “Super-excited akong masimulan ito dahil naniniwala ako na collectively, maibabangon ulit natin ang Philippine billiards.”
CLYDE MARIANO