REPUBLIKANG Pilipino ang unang opisyal na tinawag sa República Filipina. Ito ang pamahalaan ng Pilipinas na itinatag kasabay ng paghahayag ng Saligang Batas ng Malolos noong Enero 23, 1899 sa Malolos, Bulacan.
Nanatili ito hanggang sa madakip at sumuko si Emilio Aguinaldo sa mga sundalong Amerikano noong Marso 23, 1901 sa Palanan, Isabela. Dito nagtapos sa Unang Republika.
Ngunit nakatala sa kasaysayang ito ang unang republikang itinatag sa Asya ng mga Asyano. Ito ang naging pinakamahalagang pangyayari sa himagsikan ng mga Pilipino laban sa pamamahala ng mga Kastila. Ipinahayag ang kalayaan noong Hunyo 12, 1898 at ang pamahalaang diktatoryal na umiiral noon ay pinalitan ng pamahalaang panghimagsikan na pinamunuan ni Emilio Aguinaldo bilang pangulo noong Hunyo 23, 1898.
Nagkaroon ang republikang ito ng Kongreso na nagsilbing tagapayo ni Aguinaldo. – LEANNE SPHERE