HUWAG naman sana. Pagkatapos ng pagsalubong natin sa bagong taon, ang mundo ay nababalot ngayon sa tensiyon sa posibleng pagsiklab ng Ikatlong Digmaang Pandaigdig. Ito ay bunga ng pagkamatay ng isang mahalagang lider at heneral ng bansang Iran na si Qassem Soleimani dulot ng isang air strike ng Amerika na nangyari sa bansang Iraq.
Ayon sa ulat mula sa US, si Soleimani ay utak ng ilang insidente na nag-uugnay sa mga atake laban sa mga sundalong Amerikano sa Gitnang Silangan o Middle East. Kasama rin dito ang pagsabog ng isang US drone na lumilipad sa karagatan na malapit sa Iran. Mayroon ding mga insidente na napagbibintangan si Soleimani sa kaguluhan sa mga bansang kaalyado ng Amerika sa Middle East tulad ng Saudi Arabia, Turkey, Israel at iba pa. Subalit ang lahat ng mga paratang na ito ay itinatanggi ng Iran.
Ang Iraq, na dapat na kaalyado ng Amerika, ay tila nagbabago ang ihip ng hangin. Pagkatapos na humingi sila ng tulong sa Amerika matapos na mapatalsik ang kanilanag diktador na lider na si Saddam Hussein, kasunod ng banta ng ISIS sa pagsakop ng mga ilang bahagi ng Iraq, ngayon ay pinaaalis nila ang Amerika sa kanilang bansa.
Tama ang reaksiyon ni US President Donald Trump na hindi sila maaaring agarang mapaalis sa Iraq. Malaki ang ginastos nila sa paggawa ng tinatawag nilang ‘green zone’ kung saan may modernong paliparan doon. Dagdag pa rito ay nagmistula itong isang mahalagang military installation sa Iraq. Malaki ang ginastos dito ng Amerika. Hindi naman sila basta basta gagawa at gagastos ng ganitong kalaking halaga ng base militar na walang pahintulot mula sa bansang Iraq.
Ang banta nga ni Trump sa Iraq na kapag ipinilit nila ang pagpapatalsik sa kanila, dapat ay bayaran muna ang Estados Unidos sa ginastos nila sa ‘green zone’. Dagdag pa rito ay papatawan sila ng ‘economic sanction’ na mas higit pa sa ginawa nila sa bansang Iran.
Sa dako naman ng Iran, nagbanta rin sila na maghihiganti sila sa Amerika. Maaaring hindi agaran ito, subalit hindi raw nila palalagpasin ang pagpaslang ng US kay Soleimani. Sinagot din ni Trump ito. Kapag ginawa ng Iran ang kanilang banta, handa ang Amerika na gumanti na maaring pagsisihan ng Iran.
Marami ang apektado sa gulong ito. Ang mga bansang Muslim ay nahahati sa gusot na ito. Ganoon din ang bansang Israel na sanggang dikit ng Amerika. Madami ring mga inosenteng sibilyan na naninirahan at nagtatrabaho sa Middle East ang nangangamba sa mga nangyayari.
Ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa Manila ay nagbigay ng advisory matapos ang atake. “Alert level for all areas in Iraq is Alert Level 3 (Voluntary Repatriation) except for the Iraqi Kurdistan region which remains under Alert Level 1 (Precautionary Phase)”.
Sana naman ay humupa na ang tensiyon sa pagitan ng US at ng Iran. Umpisa pa lamang ng 2020. Sana ay kumilos ang United Nations (UN) upang mapigilan ang posibleng Ikatlong Digmaang Pandaigdig. Huwag naman sana.
Comments are closed.