MARIRINIG na ng sambayanang Pilipino ang unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ngayong Lunes, Hulyo 25, sa Batasang Pambansa Complex.
Inaasahang tatalakayin ni Pangulong Marcos sa kanyang SONA ang plano ng kanyang administrasyon sa pagbangon ng ekonomiya, pagtugon sa COVID-19 pandemic, at pagsiguro sa food security ng bansa.
Gayundin ang pagbawas sa kahirapan sa 9% o mababa pa pagsapit ng 2028, pag-ahon sa 2.16 milyong pamilya mula sa pagdarahop, paglikha ng ‘middle class’ na bubuuin ng 15 milyong pamilya, 8% paglago ng gross national product o GDP, pagpapababa sa deficit o kakulangan sa pondo sa 3-4% ng GDP, at pagpapatatag sa pundasyon ng bansa at mapabilang ito sa OECD pagsapit ng 2040.
Umaasa naman ang dalawang senador na marinig mula kay Pangulong Marcos Jr. ang mga isyu ng ilegal na droga, krimen at terorismo.
Sinabi ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na umaasa siyang magdedeklara si Marcos na ipagpatuloy ang paglaban sa ilegal na droga na sinimulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, sinabi ni Senator Chiz Escudero na inaasahan niyang ilalabas ni Marcos ang listahan ng mga patakaran at panukala para matugunan ang mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin, gasolina, mababang suweldo, kawalan ng trabaho, kahirapan at pagbangon ng ekonomiya.