UNANG SUMMER METRO MANILA FILM FESTIVAL AARANGKADA NA

NGAYON ay panahon na ulit ng tag-init, karamihan sa atin ay pumupunta sa shopping malls upang magpalamig. Ito ang isa sa pinakamadaling solusyon upang mapawi ang sobrang init ng panahon. Maraming magagawa sa loob ng malls. Maaaring mag-shopping, kumain at manood ng sine.

Kaya naman, sakto ang kauna-unahang pagtatanghal ng MMDA Summer Metro Manila Film Festival (MMFF) na magsisimula sa Linggo, ika-2 ng Abril, para sa mga kababayan nating mahilig manood ng sine. Walong pelikula ang kalahok sa nasabing festival. Ang mga ito ay ang Apag, Singlebells, About Us But Not About Us, Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko, Unravel, A Swiss Side Love Story, Here Comes The Groom, Yung Libro Sa Napanuod Ko at Love You Long Time.

Magandang pagkakataon ito para sa mga residente ng Quezon City upang masaksihan nang personal ang mga sikat na artista na lalahok sa nasabing film festival. Ayon sa MMDA, na siyang punong abala sa kaganapang ito, muling magkakaroon ng ‘parade of stars’ sa Linggo kung saan walong malalaking sasakyan na may dekorasyon ng nasabing mga kalahok na pelikula ang babagtas sa kahabaan ng Commonwealth Avenue patungo sa Quezon Memorial Circle.

Ayon sa MMDA, pinili nila na gawin muli ang nasabing parada sa Quezon City tulad noong nakaraang MMFF na ginaganap tuwing ika-25 ng Disyembre dahil ang Quezon City ay binansagang “City of Stars,” sa kanilang pagkilala sa culture, entertainment sector at media.

Ayon kay MMDA acting chair at concurrent MMFF overall chair Don Artes , ang MMDA ay magdedeploy ng 730 MMDA personnel upang siguraduhin na maganda ang daloy ng trapiko sa kahabaan ng Commonwealth Avenue habang bumabagtas ang nasabing malalaking sasakyan na sakay ang mga artista.

“We are thankful to the Quezon City government for hosting the first Summer MMFF Parade of Stars and for their assistance in the implementation of the agency’s traffic management plan,” sabi ni Artes.

Tatakbo ang Summer MMFF, pagkalipas ng Semana Santa, mula Abril 8 hanggang 18. Ang maganda dito ay mapapanood ito sa mga sinehan, hindi lamang sa Metro Manila, kundi sa buong bansa. Ito ay dahil sa pakikipag- ugnayan sa Cinema Exhibitors Association of the Philippines.

Ang awards night ay gaganapin sa ika-11 ng Abril sa New Frontier Theater sa Cubao, Quezon City.

Tangkilikin natin ang MMFF na inorganisa ng MMDA. Ang pakay nito ay upang isulong at pagandahin ang pelikulang Pilipino na maaaring itapat sa mga banyagang pelikula. Magiging benepisyaryo ang ilan sa sektor sa industriya ng pelikula tulad ng Movie Workers Welfare Foundation Inc., Motion Picture and Anti-Film Piracy Council, FDCP, at Optical Media Board.