NOONG unang araw ng Abril ay nagtipon-tipon ang ilang mga artista at manlilikha sa Shambala Silang upang ilunsad ang TIBOK Community Art Fair. Ang Shambala Silang ay isang lugar sa Silang, Cavite na mayroong art gallery (TAWID), restaurant, at farm.
Sa paglulunsad ng TIBOK, nagkaroon ng libreng workshop: Soil Painting na pinadaloy ni Waway Saway, Terra Cotta Sculpture ni Victor Dumaguing, at Pottery ni Oshan Benito. Sa bandang hapon ay nagkaroon naman ng talakayan tungkol sa sining. Ang tema ay, “Bridging Communities for Collective & Sustainable Art Projects”. Kabilang sa mga speaker at panelist ang mga sumusunod: Kublai Millan, Victor Dumaguing, Jeff Bangot, Willie Garcia, Manny Garibay, Raul Isidro, Waway Saway, Alma Cruz Miclat, Krip Yuson, Mike Tan, Danny Rayos Del Sol, at Sedfrey Santiago.
Pagkatapos nito ay pormal nang binuksan ang art exhibit sa TAWID Gallery. Ito ay mga gawang sining na gamit ay lupa (SINING LUPA) bilang medium. Ang mga nagpinta at lumikha ay mga artista mula sa Tribong Talaandig sa Bukidnon at sa Mindanao Artists na pinangunahan nina Kublai Millan at Datu Waway Saway.
Ang aktibidad na ginawa sa araw na ito ay simula lamang ng sunod-sunod na mga gawaing kultural sa mga komunidad. Nais ng mga organizer, sa pangunguna ni Riza Matibag Muyot ng Shambala Silang, na ibahagi ang sining at kultura sa iba’t ibang komunidad sa bansa.
Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa Shambala Silang, maaari silang makontak sa pamamagitan ng kanilang Facebook Page: Shambala Silang. Kung nais maging bahagi ng TIBOK, maaari ring magpadala ng mensahe sa pamamagitan ng nasabing pahina.