UNANG VACCINATION CENTER PARA SA TIGDAS BINUKSAN

Regional Director Eduardo Janairo-3

BINUKSAN  na kahapon ng Department of Health (DOH) sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon), ang kauna-unahang vaccination center sa loob ng isang mall sa Tagaytay City sa Cavite, kasunod na rin ng patuloy na pagtaas ng  kaso ng tigdas sa rehiyon,

Mismong si DOH Regional Director Eduardo Janairo, kasama ang Tagaytay City government, ang nanguna sa pagbubukas ng natu­rang vaccination center sa Ayala Malls Serin na matatagpuan sa Tagaytay – Nasugbu Highway, Silang Junction South, Tagay-tay City,  Cavite.

Nagpahayag naman ng tiwala si Janairo na sa tulong ng naturang vaccination center ay mas marami pang kabataan ang mababa-kunahan laban sa tigdas.

“This event will increase measles vaccination coverage and reduce missed opportunities for vaccination by proving more im-munization sites for children. Vaccination posts in malls, schools, fast food chains, churches and even bus terminals are necessary so that parents living near these areas can bring their child for immunization,” ayon kay Janairo.

Paliwanag  nito,  isa sa mga dahilan kung bakit hindi nababakunahan ang mga bata ay dahil sa kawalan ng mga magulang ng panahon na dalhin sila sa pinakamalapit na health center dahil sa kanilang trabaho kaya’t gumagawa aniya sila ng pamamaraan upang magkaroon ng pagkakataon ang mga ito na mabakunahan ang kanilang mga anak nang libre, kahit na araw ng Sabado at Linggo.

Kaugnay nito, kinumpirma rin ni Janairo na patuloy pa ring tumataas ang bilang ng mga tinatamaan ng tigdas sa rehiyon.

Batay sa pinakahuling tala ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU), mula Enero 1, 2019 hanggang Pebrero 23, 2019, ay umaabot na sa kabuuang 3,384 kaso ng tigdas ang kanilang naitala at 83 sa mga ito ang nasawi.

Mas mataas ito ng 3,835% kumpara sa 86 na kaso ng sakit at tatlong patay lamang na naitala nila sa rehiyon sa kahalintulad na panahon noong nakaraang taon.

Nananatiling ang Rizal ang may pinakamataas na kaso ng tigdas, na umabot sa 1,761, na may 58 deaths; kasunod ang Cavite (485 cases and 8 deaths); Laguna (477 cases and 9 deaths); Batangas (359 cases at 4 deaths); at Quezon (302 cases and 4 deaths).

Sa lalawigan naman ng Cavite, ang Bacoor City ang may pinakamataas na bilang ng measles cases na may 115; kasunod ang Imus City (74); Dasmariñas City (62); General Trias City (56); at Silang (31).

Muli namang nanawagan si Janairo sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak upang hindi mahawaan ng tigdas.

“For parents whose children have not yet receive their immunization against measles, bring them to the nearest vaccination post in your area and have them vaccinated. It is the only way to keep your children safe from the measles,” ani Janairo. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.