DAHIL sa mga kaganapan kamakailan sangkot ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at pati na ang mga iregularidad kaugnay ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4 Ps), marami ang nagtatanong tungkol sa pagiging kapaki-pakinabang ng kasalukuyang mga conditional cash grant at iba pang programang pampubliko na may layong tapusin ang kahirapan sa bansa.
Ano nga ba ang programang angkop para sa mga Pinoy, na sumasaalang-alang sa kanilang kultura at sensibilidad? Paano ba natin mapakikinabangan nang husto ang ating maliit na badyet para matulungan ang mga kapwa nating Pilipino na makaahon sa kahirapan?
Katwiran ng ilan, ang mga donasyon at dole-out na ganito ay maaaring maging daan upang maging tamad o iresponsable ang mga tumatanggap ng ayuda. Ngunit totoo rin namang maraming mahihirap na pamilya ang hindi man lamang magawang sunggaban ang mga oportunidad dahil wala silang kakayahan na gawin ito, gustuhin man nila. Halimbawa, maraming Pinoy ang hindi makakuha ng maayos na trabaho hindi dahil sila ay tamad kundi dahil wala silang natapos, na siyang requirement naman ng halos lahat ng mga kompanya.
Hindi man kilala, isa sa maaaring pagtuunan ng pansin sa usaping ito ay ang universal basic income (UBI). Kabilang sa mga kritisismo laban dito ay ang argumentong mahirap umano itong pondohan, at ang posibilidad nga na hindi na mag-hanapbuhay ang mga tatanggap ng benepisyo.
Nangangahulugan ito na mababawasan din umano ang kita ng pamahalaan. Imposible nating matukoy o masiguro kung ano ang kahihinatnan ng pagsasagawa ng UBI dito sa atin hangga’t hindi natin ito nasusubukan. Ngunit may silbi ang pag-aralan ang aktwal na mga karanasan ng mga lipunang sumubok na o nag-eksperimento na tungkol dito.
(Itutuloy)